NAGBABALA si Manila Mayor Isko Moreno sa lahat ng motorista na kukumpiskahin ang kanilang iiwanang sasakyan malapit sa ilang lugar at paligid ng Quiapo ngayong araw mismo ng Pista ng Itim na Nazareno.
Sa isang panayam, inulit ni Moreno na ang road closures ay istriktong ipatutupad at walang exception dito at ang lokal na pamahalaan na kanyang pinamumunuan at ni Vice Mayor Honey Lacuna
ay nakapaglatag na ng mga posibleng suporta sa kapulisan at Simbahan para sa maayos at payapang selebrasyon ng kapistahan ng Nazareno.
Ayon kay Lacuna, ang mga health personnel at mga ambulansya ay naka-standby upang tumugon sa mga emergency.
“Pakiusap, ‘wag kayong mag-iiwan ng sasakyan, motor o bisikleta.. anything that we see that are unnecessary in the streets near and around Quiapo, Plaza Miranda, Carriedo, Quezon and Avenida ay amin pong kukumpiskahin. Pasensiya na po,” sabi ni Moreno.
Sa kabila ng pamumudmod ng pamahalaang lokal ng libreng face masks at face shields sa mga dadalo sa mga naka-scheduled na misa sa Quiapo Church bilang bahagi ng selebrasyon ng Pista ng Itim na Nazareno ay muling iginiit ni Moreno ang kanyang kahilingan sa milyun-milyong deboto na iwasan na ang Quiapo at sa bahay na lamang manalangin.
“Hanggat maari, ‘wag na kayong dumapo sa Quiapo…manalangin tayo nang taimtim sa Diyos. Marami namang kaparaanan na lalong mapalapit sa Panginoon at tumatag ang ating pananalig sa kanya. Ito ay para sa kaligtasan ng lahat,” ayon pa kay Moreno.
Samantala, ang klase sa lahat ng level sa pampubliko at pribadong paaralan, maging ang pasok sa pampubliko at pribadong tanggapan ay kanselado ngayong araw, Jan. 9.
Kaugnay nito, inihayag ng PNP-NCRPO na ‘all systems go’ na ang paggunita sa tradisyunal na Traslacion ngayong 2021 bagaman kanselado ang prusisyon dahil sa umiiral na COVID-19 pandemic.
Ayon kay Director P/BGen. Vicente Danao Jr., nasa humigit kumulang 27,000 na police personnel ang ipinakalat nila sa lungsod ng Maynila para magbigay seguridad at tiyakin na nasusunod ang minimum health protocols.
Ang aktibidad sa pagdiriwang ng Pista ng Itim na Nazareno ay magkakaroon lamang ng misa sa simbahan ng Quiapo na simultaneous sa tatlo pang simbahan sa San Sebastian Basilica, Sta. Cruz Church at Nazarene Catholic School Gymnasium.
Layon nito na hindi magsiksikan ang mga deboto sa Quiapo church.
Kasunod nito, pinaalalahanan ni Danao ang mga deboto na sundin ang ipinatutupad na minimum health protocols, huwag magdala ng backpack at mga may kulay na sisidlan bilang bahagi ng seguridad.
Binigyang-diin pa ng NCRPO chief, bagama’t kanselado ang mga nakagawiang aktibidad sa Traslacion tulad ng prusisyon, malaking hamon pa rin sa kanila kung paano masusunod ang physical distancing lalo’t inaasahang dadagsa ang mga deboto. (RENE CRISOSTOMO/JESSE KABEL)
