(NI DAHLIA S. ANIN)
MAGSASAGAWA na rin ang Senado ng imbestigasyon ukol sa nangyayaring water crisis sa Silangang bahagi ng Maynila at sa probinsya ng Rizal.
Nais ipatawag ni Senate Committee on Public Services Chairperson Grace Poe ang mga water concesionnaires na Maynilad at Manila Water gayundin ang ibang ahensya ng gobyerno na may kinalaman dito upang talakayin ang water crisis at magmungkahi ng mga solusyon para maibsan ang pasanin ng mga apektado sa water shortage.
Inanyayahan din ang mga local officials at mga residente na apektado rito.
Sa panayam kay Poe kung irerekomenda bang sibakin ang mag opisyal na mapatutunayanag nagpabaya sa tungkulin ay sinabi nitong nais nilang malaman kung sino ba ang may sala at kung sino ang nagpabaya sa kanyang trabaho.
Dagdag pa niya kung ang isang pribadong kumpanya man ito ay siguro dapat ang Manila Water ang magpalit sa namamahala sa kanila.
Ayon naman sa Manila Water, mula 61 barangay na apektado ay bumaba na lang ito sa 11 at ginagawan na nila ng paraan na magkatubig ang natitirang mga barangay sa Pasig, San Mateo, Taguig at Tandang Sora sa Quezon City.
Sinabi naman ni Manila Water president at CEO Ferdinand dela Cruz, na kahit na umiigi na ng sitwasyon ay magrarasyon pa rin sila sa 1.2 million consumer nila hanggang sa pagtatapos ng tag init.
162