SENADO PUNO NG PAG-ASA SA 2019

SENATE

(NI NOEL ABUEL) Sa kabila ng maraming masamang nangyari sa 2018 ay umaasa naman ang ilang senador na magiging maganda ang dulot ng 2019. Sinabi ni opposition Senator Leila de Lima, ang Bagong Taon ay pagbubukas ng pagkakataon para sa bagong simula, pagharap sa mga hamon, at pagbadya ng makabuluhang pagbabago.

“Kung babalikan ang nagdaang taon, nagdulot sa atin ng mabibigat na pagsubok ang taong 2018. May mga kababayan tayong patuloy na nagluluksa sa pagkawala ng mga mahal sa buhay dahil sa mga di-inaasahang trahedya. Hanggang ngayon, may mga bagong biktima ng pamamaslang at kawalang katarungan dahil sa karahasan at panggigipit ng pamahalaan.

Marami nating kababayan ang lalong kinapos at naghikahos dahil sa mas mataas na buwis at nakakalulang presyo ng bilihin. Isama po sana natin sila sa ating mga panalangin,” sabi ni De Lima. Aniya, inaasahan  na nito na ang 2019 ay panibagong hamon sa lahat tulad ng mga nakalipas na taon.

Sa panig naman ni Senador Sonny Angara, umaasa ito na ang 2019 ay magdudulot ng kasaganaan at kasiyahan.”Ang bagong taon ay nangangahulugan ng bagong simula, bagong pangarap at bagong pag-asa. Isa rin itong napakahalagang pagkakataon para pag-ibayuhin pa natin ang pag-alaga, pagmamahal at pagtulong sa ating kapwa, lalung-lalo na sa mga lubhang nangangailangan. Nawa’y bawat araw ng taong 2019 ay magdulot sa ating lahat ng lubos na kagalakan at kasaganahan,” paliwanag pa nito. Malaking hamon naman ang turing ni Sen. Joel Villanueva ang bagong taon. “May this year of 2019 foster solidarity and optimism among the Filipino people as we fulfill our goals and vision in pursuit of providing a comfortable life for everyone,” dagdag pa ni Villanueva. Sinabi naman ni Senador Grace Poe na maging aral sa lahat ang naranasan sa taong 2018 upang sa pagdating ng 2019 ay madali na itong haharapin ng taumbayan.

13

Related posts

Leave a Comment