SEX EDUCATION ISASAMA SA SCHOOL CURRICULUM

ISASAMA na ang sex education sa curriculum ng mga mag-aaral na nagbibinata at nagdadalaga.

Nabatid sa huling pagdinig ng House Committee on Youth and Sports na pinamumunuan ni Isabela Rep. Faustino Michael Carlos III Dy, pinagtibay ang Adolescent Pregnancy Prevention Bill.

Layon umano ng nasabing panukala na magkaroon ng sex education ang mga kabataan lalo na ang mga nagdadalaga at nagbibinata pa lamang upang maiiwas ang mga ito sa maagang pakikipagrelasyong sekswal.

“Ito ay mahalagang hakbang hindi lang para sa mga adolescent mother, pero para sa mga at-risk na kabataang kababaihan. Sa pagpapalakas ng edukasyon at serbisyo, mapipigilan natin ang patuloy na pagdami ng mga ina na hindi handa mentally, physically, financially, at socially,” ani Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel na isa sa mga may akda sa panukala.

Sa ngayon ay parami nang parami umano ang mga kabataan na maagang nabubuntis at nagkakaroon ng anak kahit hindi pa handa ang mga ito, dahil sa kawalan ng sapat na edukasyon sa nasabing larangan.

Patunay rito ang datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) na noong 2021 ay umabot sa 2,299 kabataan na edad 19-anyos pababa ang nanganak na mas mataas sa 2,113 na naitala noong 2020.

“Adolescent pregnancy is a crisis with clearly documented health and economic consequences on young parents,” ayon naman kay Albay Rep. Edcel Lagman na kabilang sa may-akda sa nasabing panukala.

Dahil dito, kailangan aniya ng sex education ng mga kabataan para malaman ng mga ito ang negatibong epekto ng maagang pakikipagrelasyon at panganganak sa kanilang buhay at sa ekonomiya ng bansa sa kabuuan.

Ayon kay Lagman, ang panukalang ito ay karugtong ng “Reproductive Health Law” na sa kabila ng pagtutol ng iba’t ibang mga sektor partikular na ang Simbahang Katoliko, ay pinirmahan ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III bilang batas. (SIMONA JUDY F. ESTILLERO)

492

Related posts

Leave a Comment