SHOEMAKING BAGONG COURSE SA TESDA

tesda44

(NI KEVIN COLLANTES)

ISASAMA na ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa kanilang mga programa ang kursong shoemaking o paggawa ng sapatos at pagkakalooban pa ng National Certification.

Ayon kay Marikina City Mayor Marcelino “Marcy” Teodoro, nakausap na niya si TESDA Chief Isidro Lapeña at pumayag ito sa kanyang panukalang isama ang shoemaking sa kanilang mga iniaalok na programa.

“I recently talked to TESDA Chief Lapeña and asked him to give shoemaking a national certification or NC. Happy to announce that TESDA will have a shoemaking accreditation in the next six months,” pahayag ng alkalde.

Paliwanag niya, ang approach nila ay institutional, kung saan isinasama sa curriculum ang naturang kurso dahil nangangailangan sila ng mga skilled workers.

Layunin rin aniya ng naturang hakbang na solusyunan ang problema ng bansa sa kakulangan ng skilled shoemakers, upang makagawa ng mga de kalidad at fashionable na mga sapatos para sa publiko.

Sinabi ni Teodoro na sa halip na makipag-kumpetisyon sa isa’t isa ay nagsama-sama na ang mga manggagawa ng sapatos sa Marikina upang higit na maging organisado at magkaroon ng iisang layunin na palaguing muli ang lokal na industriya ng sapatos.

Nakatakda na rin aniya silang magbukas ng ‘One Stop Shop’, kung saan maaaring i-display at maipagbili ang lahat ng mga sapatos na gawa sa Marikina.

“This move of creating a One Stop Shop is to help our businessmen and shoemakers. If before, people have a hard time looking for shops, they can just go to this shop where all designs from various shops will be displayed and sold,” anang alkalde.

“They can buy in bulk, or we could just directly connect them with the owners. Gusto naming maging experiential ang pagbili ng sapatos sa kanila,” aniya pa.

Ipinagmalaki ng alkalde na batay sa shoe test na kanilang isinagawa, ang mga sapatos na gawang Marikina ay maaaring magtagal ng isang taon, kumpara sa ibang mga imported na sapatos sa merkado na nagtatagal lamang ng hanggang tatlong buwan.

Una na ring sinabi ni Teodoro na magtatayo ang Marikina local government ng Shoe Tech school sa loob ng Pamantasan ng Lungsod ng Marikina (PLMAR), na popondohan ng P60 milyon.

Target aniya nilang masimulan ang konstruksiyon ng Shoe Tech building sa loob ng dalawa hanggang tatlong buwan, at inaasahang magiging operational na ito sa ikatlong bahagi ng taong 2020.

 

 

175

Related posts

Leave a Comment