SOLON: COLONELS, GENERALS KASABWAT NG ‘NINJA INFORMANTS’

HINDI lamang tiwaling low ranking operatives sa Philippine National Police Drug Enforcement Group (PDEG) ang kasabwat ng mga tinaguriang “ninja-informants” para ibalik sa kalsada at ibenta ang hanggang 70% ng nakumpiskang droga.

“Meron, as high as colonels and generals,” pahayag ni House committee on dangerous drugs chairman Rep. Robert Ace Barbers kaugnay ng natuklasan ng komite na hanggang 30% lamang sa mga nahuling droga ang idinedeklara habang ang natitirang 70% ay ibinibigay sa assets para muling ibenta.

“Yun mga maliliit na ranggo palagay ko di ‘yan magtatrabaho ng ganun kung walang basbas sa mas mataas di ba?,” dagdag pa ni Barbers bagaman wala pa itong pinapangalanan.

Naniniwala ang mambabatas na kahit sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ay may matataas ding opisyal ang nagbibigay-basbas sa kanilang mga tauhan na ibalik sa lansangan sa pamamagitan ng kanilang informant ang malaking bahagi ng kanilang nakumpiskang droga.

Sa pagharap ng isang informant sa executive session na ipinatawag ng komite, inamin umano nito na matagal nang kalakaran na 30% lamang sa nakumpiskang droga ang idinedeklara habang ang natitira ay ibinebenta para gawing pera.

“There now exists a prevailing scheme among so-called “ninja-cops” and their “ninja-informants” to declare just 30 percent of their drug seizures in every anti-drug operation, recycle them, and convert them into cash,” ayon sa mambabatas.

Base sa aniya’y ‘unwritten and discreet policy ng “ninja cops” at “ninja-informant”, matapos ibenta ng assets ang droga ay ibabalik ito sa mga operatiba at doon magkakaroon ng porsyento ang assets.

“Kung totoo ito, ito’y isang karumal-dumal na gawain ng ating mga tiwaling anti-drug law enforcers,” dagdag pa ni Barbers. (BERNARD TAGUINOD)

293

Related posts

Leave a Comment