(PFI REPORTORIAL TEAM)
PINURI ng Alliance of Bonafide Recruiters for Overseas Filipino Workers Advancement and Development (ABROAD) si Rizal 2nd District Rep. Fidel Nograles dahil sa panukalang batas na isinusulong nito na pagbuo ng hiwalay na ahensiya upang humawak sa overseas labor cases.
Ayon kay ABROAD Convenor Russel Garcia, maganda ang hakbangin ni Nograles bukod pa sa napapanahon na upang bigyang pansin ang kapakanan ng mga makabagong bayani ng bansa.
Sinabi ni Garcia, ang National Labor Relations Commission ay hango sa batas na inakda ng US Congress noong panahon ng Commonwealth Republic bagaman nagkaroon ng amyenda noong 2015.
“Ang NLRC ay ahensiyang itinatag para manguna sa paghawak ng mga domestic labor case bagama’t ito ang kasalukuyang humahawak ng mga claim sa pera na isinasampa ng OFWs, hindi ito tiyak at sadyang nakadisenyo para hawakan ang dumarami at sunud-sunod na mga kaso mula sa mga manggagawang nasa ibayong dagat,” ayon kay Garcia.
“Ang mga kaso ng OFW ay may kinalaman sa foreign labor at immigration laws, at mga patakaran ng mga pamamaraan at magkakaiba ang lahat ng ito kung pagbabasehan ang bawat bansa,” dagdag pa nito.
Matatandaang inihain noong Oktubre 21 ni Nograles ang House Bill No. 5171 na layuning maitatag ang Overseas Labor Relations Commission na dapat mayroong “eksklusibo at sapat na kapangyarihan sa lahat ng kasong may kinalaman sa employer-employee relations, documented or undocumented workers, manindigan o umaksiyon na ayon sa anumang batas o kontratang kinasasangkutan ng mga Filipinong manggagawa para magtrabaho sa ibang bansa.”
Sinabi ng mambabatas na “Hindi ito lilikhain upang subukang magpatupad ng ‘one size fits all’ approach para sa paghawak ng mga reklamo ng OFW dahil ang ibang bansa ay may sensitibong karapatan sa kanilang soberenya na gaya rin sa atin”.
Naunang sinabi ni Nograles na anumang panukalang makatutulong sa kapakanan ng mga OFW, na pangunahing sektor na may malaking ambag sa ekonomiya ng bansa, ay dapat maipasa nang wala ng maraming tanong.
Ang hiwalay na labor relations commission para sa OFWs ay titiyakin din na ang migrant workers na mayroong hindi pagkakaunawaan sa paggawa ay mabibigyan ng atensiyon at mapagkukunan na hindi nagagawa o kayang ibigay ng NLRC sa ngayon,” dagdag pa ni Nograles.
413