SOLON: WALANG SHORTAGE SA NURSE, BINABARAT LANG

HINDI totoo na may shortage sa nurse sa Pilipinas dahil sobra-sobra ang bilang ng mga ito sa pangangailangan ng bansa. Ayaw lang nilang magtrabaho sa mga ospital dahil binabarat sila.

Ito ang nilalaman ng privilege speech ni ACT party-list Rep. France Castro kaugnay ng kanyang panukala na gawing P50,000 ang entry salary level ng mga nurse lalo na sa pribadong pagamutan.

Ayon sa mambabatas, base sa datos ng Professional Regulation Commission (PRC) noong December 2021, umaabot sa 509,000 ang lisensyadong nurse sa bansa na sobra-sobra sa 305,708 na kailangan.

“Wala namang shortage ng nars sa Pilipinas. Ang problema ay napipilitan ang marami na nangingibang bansa o hindi kaya ay nagtatrabaho labas sa kanilang propesyon,” ani Castro.

Sa nasabing bilang aniya ng mga lisensyadong nurse, 178,629 lamang sa mga ito ay nagtatrabaho sa Pilipinas kung saan 109,000 ang nasa pribadong pagamutan at 65, 500 naman sa pampublikong sektor.

Sa natitirang 330,371 aniya, 316,405 ay nasa labas ng bansa kung saan mas malaki ang tinatanggap nilang sahod kumpara sa P36,619 na entry level salary sa pribadong pagamutan habang P12,540 lamang sa pribadong pagamutan.

Sinabi pa ni Castro na ang iba pang lisensyadong nurse ay pumasok na lamang sa ibang propesyon na may malaking sahod habang ang iba naman ay nag-aapply para makapagtrabaho sa ibang bansa.

“Paano ba naman tayo makakahikayat ng graduates na maging nars ng bayan kung overworked na nga natin sila, walang kasiguraduhan sa trabaho, mababa at late pa nila matatanggap ang kanilang mga sahod at benepisyo?,” tanong pa ni Castro.

“Kaya ang panawagan ng mga nars ay itaas ang minimum na buwanang sahod nila patungong P50,000,” dagdag pa nito. (BERNARD TAGUINOD)

142

Related posts

Leave a Comment