SOTTO: CHACHA PAG-UUSAPAN SA SENADO

chacha33

(NI NOEL ABUEL)

“WALANG mangyayaring bastusan.”

Ito ang siniguro ni Senate President Vicente Sotto III kaugnay ng isinusulong na Charter Change resolution sa pamamagitan ng Constitutional Assembly ng mga kongresista.

Ayon kay Sotto, hindi mapipigilan ng Senado ang mga kongresista sa nais ng mga itong ConAss sa oras na ibigay ito ng Kamara.

“Dadalhin nila sa amin eh, di pag-uusapan namin kung ano ‘yung dadalhin nila sa amin, dadalhin namin sa committee, pag-uusapan du’n. Ganu’n lang. Ibig sabihin hindi namin siguro naman babastusin ‘yun or sasabihin ‘pag dinala dito ‘ayaw namin”. Gagawin naman namin ‘yung procedure na tama,” paliwanag nito.

Una nang sinabi ni Sotto na wala sa prayoridad ng 18th Congress ang Cha-Cha kung kaya’t malabo itong maipasa.

“Ngayong 18th Congress madaming nakasalang sa aming priorities eh. Wala ‘yan. Hindi napapag-usapan. Narinig lang namin na gusto raw ng House mag-Constituent Assembly,” sabi pa nito.

Pero, sinabi ni Sotto na maaaring pansinin ng mga senador ang Cha-cha kung ang economic provision lamang ang babaguhin.

Isa sa idinadahilan ng mga kongresista na nagsusulong sa pagbabago ng Konstitusyon at dahil sa nagpag-iiwanan na ang bansa ng mga kapitbahay natin sa Asya at sa buong mundo.

“Kung economic provisions lang ang tatargetin nila, may pag-asang mapag-usapan sa amin ‘yun. Pero pagka pinag-usapan mo kaagad ‘yung term limits, with due respect to them, baka naman mag-aksaya tayo ng panahon kasi sa plebisito iboboto ng tao ng “no” ‘yan. Garantisado, magpa-survey ka. Tingnan mo, tanong mo sa taumbayan kung sino may gusto na baguhin ang term limits ng mga senador, congressmen. Self serving eh. Kung pag-uusapan ‘yung mga term limits, form of government, mas maganda ‘yung Constitutional Convention para hindi self-serving sa amin,” ayon pa sa lider ng Senado.

“Kung economic provisions lang ang pag-uusapan, marami sa mga senador na sasang-ayon. I’m sure. Kung ‘yan ang mga pag-uusapan kasi marami na talagang pangangailangan tungkol diyan. For example, gumawa ka ng high-speed train or modern railroad from Pagudpod to Matnog, Sorsogon,” paliwanag pa nito.

 

 

236

Related posts

Leave a Comment