(NI DANG SAMSON-GARCIA)
PINAYUHAN ni Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III ang mga water concessionaires na huwag tinatakot si Pangulong Rodrigo Duterte.
Ginawa ito ng senador kasunod ng pagpapasaring ni Pangulong Duterte na i-take over ng militar ang pamamahala sa water utilities sa bansa makaraang magbanta ang water concessionaires ng posibleng 100% na increase sa kanilang singil kung tuluyan nang ibabasura ang kanilang kontrata para sa extension ng kanilang serbisyo.
“Huwag n’yo tinatakot ang Presidente na ito. Sa lahat ng Presidente natin, wag tatakutin ang Presidenteng ito. The power of the Presisdent of the Philippines is vast,” diin nito.
Ipinaalala ni Sotto na may karapatan ang Pangulo na alamin at paimbestigahan ang kontrata ng water concessionaires at kung may makitang hindi kanais-nais na probisyon ay maari niya itong ibasura.
“Oo, may karapatan ang Pangulong alamin bakit, paano nangyari yun. Ano ang nangyari? Bakit, ano ang naging ‘cashunduan’ ay este kasunduan bakit in-extend na ganun,”diin ni Sotto.
Dapat anyang malaman kung bakit may probisyon na lumilitaw na agrabyado ang gobyerno.
“Bakit may masamang probisyon na agrabyado ang gobyerno kaya nag-iinit ulo ng Presidente. Kapag ‘di sila pinayagang magtaas pwede nila singilin ang gobyerno, e di gobyerno na lang ang magpatakbo,”giit pa ni Sotto.
Bago naman anya pag-usapan ang pagtatayo ng ahensya na tututok sa usapin ng tubig, dapat munang ayusin ang Rightsizing bill upang hindi maging bloated ang burekrasya.
158