SUBJECT SA KALAMIDAD, ISASAMA NA SA DEPED CURRICULUM

students12

(NI BERNARD TAGUINOD)

UPANG maihanda ang mga tao, lalo na ang mga kabataan sa kalamidad, isasama na sa curriculum ng Department of Education (DepEd) ang Disaster Awareness and Disaster Mitigation.

Ito ang nakapaloob sa House Bill 8044 na iniakda ni Magdalo party-list Rep. Gary Alejano na nakabimbin ngayon sa House committee on basic education na pinamumunuan ni Rep. Ramon  Durano VI.

Sa sandaling maging batas ang nasabing panukala, magkakaroon ng hiwalay na subject ang mga elementary at high school students para ipamulat sa kanila ang mga kalamidad na nangyayari sa bansa.

Isasabay dito ang pagtuturo sa mga estudyante kung paano ang tamang paghahanda sa kalamidad at ano ang mga dapat nilang gawin upang maiwasan ang matinding epekto ng bagyo at lindol.

“Our students should be made aware of the different hazards that they are likely to encounter in their own communities. They should know in advance what specific preparations to make before the onset of a disaster, what to do during disasters, and what actions to take in its aftermath,” ani Alejano.

Umaasa ang mambabatas na maging batas na ito dahil isa ito sa mga paraan aniya upang mabawasan ang nagbubuwis ng buhay at pagkasira ng mga ari-arian kapag may bagyo at lindol.

Noong Lunes ay nagkaroon ng magnitude 6.1 na lindol sa Castillejos, Zambales kung saan naapektuhan ang ikalawang distrito ng Pampanga na naging dahilan ng pagkamatay ng may 16 katao kasama na ang mga natabunan sa gumuhong gusali ng isang grocery store.

Sinundan ito kinabukasan, Martes ng 6.5 magnitude na lindol sa Eastern Samar at noong Miyerkoles naman ay niyanig ang Davao Oriental.

 

 

160

Related posts

Leave a Comment