(NI HARVERY PEREZ)
KINAKAILANGAN umano na magkaroon ng legal na basehan para hindi na isali ang technology solutions firm Smartmatic sa mga susunod na public bidding ng Commission on Elections (Comelec).
Ito ang inihayag ni Comelec spokesperson James Jimenez matapos sabihin ni Pangulong Rodrigo Duterte na i-ban na ang naturang Venezuelan firm.
Sa pagsasalita sa Japan, sinabi ni Duterte na nagtataka siya kung bakit patuloy na nakukuha ng Smartmatic ang
mga government deals sa kabila ng maraming reklamo sa mga equipment nito na ginagamit sa halalan.
Iginiit ni Pangulong Duterte sa Comelec na palitan na ang Smartmatic at humanap ng system na hindi maakusahan ng pandaraya.
Kaugnay nito, sinabi ni Jimenez na hindi maaaring isantabi ang suhestiyon ng Pangulong Duterte ngunit inoobliga ng batas ang public bidding para sa government contracts.
“The President speaks from a place of greater knowledge than I do. If he feels that’s a good solution, it deserves a lot of serious consideration,” ayon kay Jimenez sa isang media forum na inorganisa ng National Press Club.
Sinabi ni Jimenez na nasa ilalim ang Comelec ng COA ngunit kung may magagawang paraan ay gagawin nila .
Hindi umano alam ni Jimenez ang impormasyon na nakarating sa Pangulo kung kaya nakapagbitiw ito ng ganoong pahayag laban sa Smartmatic.
Nanalo umano sa bidding ang Smartmatic kaya ito ang nag su-supply ng vote counting machines (VCMs) para sa 2016 elections, kung saan nanalo si Duterte bilang Pangulo.
145