(NI ROSE PULGAR)
SA susunod na linggo ay ipatutupad na ng Department of Trade and Industry (DTI) ang pagtataas sa presyo ng kape, gatas at patis matapos aprubahan na ito nitong Huwebes.
Base sa report ng DTI, nasa P0.50 hanggang P2 ang taas-presyo sa kada lata ng gatas, P0.50 hanggang P0.80 sa presyo ng patis at P1 kada pakete ng kape.
Sinabi ni Ruth Castelo, DTI Undersecretary for Consumer Protection, pinag-aralan nilang mabuti ang pagpapatupad ng pagtaas sa presyo ng mga nasabing produkto.
Pinag-aaralan ng DTI ‘yon and we make our own research para masigurado natin ‘yung mga reason nila for increase. Kung justified siya, we approve it,” ani Castelo.
Aniya ang epektibo ng taas-presyo ay 15 araw matapos mailathala ng DTI ang updated suggested retail prices (SRP) sa mga pahayagan.
Nasa P0.50 hanggang P2 kada lata ang dagdag-presyo sa mga brands ng gatas na Alaska, Alpine, Carnation, Cow Bell, at Liberty.
Magugunitang pinayagan ng DTI ang mga manufacturer ng nabanggit na mga basic commodities kamakailan.
Gayunman mariing binatikos ng consumers group na “Laban Consumers” ang ginawa ng DTI na itaas ang presyo ng kape ,gatas at patis na walang konsultasyon sa mga consumers.
Gayundin ang pananamantala ng ilang mga negosyante na nagtaas na ng presyo sa kabila ng hindi pa ipinatutupad ng DTI ang bagong SRP hangga’t hindi pa ito nailalathala sa mga pahayagan sa loob ng 15 araw bago ito ganap na iimplementa.
178