ISINIWALAT subalit ilang oras ang nakalipas ay binawi rin ni Armed Forces of the Philippine Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr. ang ulat hinggil sa umano’y destabilization plot laban sa gobyerno ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Nilinaw ni Gen. Brawner na ‘misquoted’ lang umano siya o namali ang pagkaintindi sa kanyang mga tinuran sa isinagawang ‘change of command ceremony’ sa AFP Western Mindanao Command.
Muling nilinaw kahapon ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na walang nakalatag na plano para i-destabilize ang gobyerno at kasalukuyan na nila ring bina-validate ang report hinggil sa umano’y pagtatangkang ma-upset ang Marcos Jr. administration.
Muli ring nilinaw ni Col. Medel Aguilar, AFP spokesperson, ang pahayag ni AFP chief Brawner, Jr. kaugnay sa umano’y destabilization efforts laban sa pamahalaan na binawi rin kinalaunan dahil ‘misquoted’ umano ang heneral.
Sinasabing ang pahayag ni Brawner ay tungkol sa tangkang pag-upset sa ‘stability’ ng pamahalaan at hindi destabilization plot.
Ayon kay Col. Medel, hindi ito “threat to our security” kasabay ng pagtiyak na walang dapat na ikabahala ang sambayanan. “These are just efforts to upset. Kumbaga, we don’t see any threats on these efforts,” pahayag ng tagapagsalita.
“All I can say is we don’t have a threat. There is no plot to speak of and the AFP will be professional and will remain loyal to its Constitution,” dagdag pa ng opisyal.
Una nang binigyang-linaw ni National Security Adviser Eduardo Año na na-misquote at na-misinterpret lamang ng media ang naging pahayag ni Gen. Brawner Jr. hinggil sa umano’y destabilization plot laban sa gobyerno partikular kay Pangulong Marcos Jr.
Sa isang statement, sinabi ni Año na bagama’t nagkaroon ng madamdaming palitan ng salita sa ilang mga retiradong opisyal o dating opisyal ng militar kasabay ng ilang mga kritisismo laban sa ilang mga patakaran ng kasalukuyang administrasyon, ay nananatili pa rin itong nagpapasakop at nasa loob ng democratic space.
Ngunit gayunpaman ay iginiit ng opisyal na walang anomang destabilization plot/movement laban sa gobyerno matapos na kumalat ang mga balitang nagsasabing inihayag umano ni AFP chief Brawner na mayroong ilang grupo ng mga retiradong opisyal ng military ang nagpaplanong ma-destabilize ang BBM administration.
Muli rin niyang binigyang-diin na ang AFP at ang buong security sector ay nananatiling tapat sa commander-in-chief ng Pilipinas at hinding-hindi aniya maiimpluwensyahan na sumali sa anomang planong destabilisasyon laban sa gobyerno.
(JESSE KABEL RUIZ)
244