(NI ABBY MENDOZA)
NAIS ng mga mambabatas na bumuo na ng Task Force na sasala sa mga bilanggong makalalaya sa bisa ng Good Conduct Time Allowance(GCTA) upang hindi na maulit ang insidenteng ginawa ng sinibak na si Bucor Chief Nicanor Faeldon.
Ayon kina ACT-CIS party-list Rep. Nina Taduran at CWS party-list Rep. Romeo Momo , kung may Task Force na solong mangangasiwa sa GCTA ay masusuri nang mabuti kung sino ang mga kuwalipikadong bilanggo.
Upang masiguro na hindi maabuso at hindi pagkakaperahan ang GCTA ay dapat manggaling sa iba’t ibang sektor ang bubuo sa Task Force.
“Dapat galing sa religious, government agencies, mga organisasyon at mula sa public sector, pwede rin na maisama ang pamilya ng biktima,” giit ni Momo.
Ang mga papeles ng mga bilanggo na inirerekomenda sa GCTA ay dapat iakyat din sa Department of Justice at ang huling desisyon ay sa Pangulo ng bansa.
Dapat din umanong mailathala aa pahayagan ang mga palalayaing bilanggo, ani Momo, sa ganitong paraan ay mababantayan ng publiko ang proseso.
Kaugnay nito, nanindigan ang mga mambabatas na hindi na dapat ilagay sa anumang pwesto si Faeldon gayundin ay panagutin ito sa ginawang iregularidad sa Bureau of Corrections.
146