(NI BERNARD TAGUINOD)
MAGKAKAROON ng bawas sa buwis ang mga anak na hindi mag-aabandona bagkus ay mas inaalagaan pa ang kanilang mga matatandang magulang kapag naipasa ang isang panukalang batas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Sa House Bill 115 na iniakda ni Pampanga Rep. Juan Miguel Macapagal Arroyo, nais nito na bigyan ng kaluwagan sa buhay ang mga anak na walang sawang nag-aalaga sa kanilang mga matatandang magulang.
“One praiseworthy Filipino value is devotion to family ties. Married children take care of their parents by supporting them during their twilight years as an act of gratitude for all pains and sacrifices,” ani Arroyo sa kaniyang panukala.
Maraming pamilya umano ngayon sa bansa ang nahaharap sa tinatawag na ‘economic difficulties’ dahil sa mataas na presyo ng mga bilihin at serbisyo publiko sa kasalukuyan.
Subalit sa kabila nito ay hindi pinapabayaan ng mga anak ang kanilang mga matatandang magulang kaya nais ng mambabatas na bigyan ng konting luwag ang mga ito.
Dahil dito, nais ni Arroyo na amyendahan ang Republic Act (RA) 8424 o National Internal Revenue Code of 1997” para isama ang mga matatandang magulang ng mga tax payers sa kanilang “dependent” upang mabawasan ang kanilang babayarang buwis.
Kapag naging batas ang panukala, magkakaroon ng P25,000 na additional exemptions ang bawat tax payers na may inaalagaang matandang magulang sa kanilang bahay.
Kapag dalawa ang matandang magulang na nasa poder ng isang anak, otomatikong P50,000 agad ang kanyang tax exemption.
204