(NI DANG SAMSON-GARCIA)
NAUBUSAN na ng pasensya ang mga senador sa pagsisinungaling at pilit na pag-iwas sa pagsagot sa mga katanungan, nagdesisyon ang Senado na i-cite for contempt si Police Major Rodney Raymundo Baloyo IV.
Si Baloyo ang team leader ng mga pulis na nagsagawa ng operasyon sa lalawigan ng Pampanga na pinag-ugatan ng isyu sa drug recycling.
Inaprubahan ni Senate Blue Ribbon Committe Chairperson Richard Gordon ang contempt laban kay Bayolo makaraan itong hilingin ni Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson na sinegundahan ni Senate Minority Leader Franklin Drilon.
“Major Rodney Baloyo is now in contempt. And with the permission of anyone I would not want to give him nice quarters here…We will assigned him to Pasay City Jail,” saad ni Gordon.
Ilan sa nakitang inconsistencies o pagsisinungaling kay Baloyo ay ang paninindigan nito na hapon nila isinagawa ang operasyon sa kabila ng pahayag ng mga testigo na umaga ito nangyari gayundin ang pagtanggi nito na wala silang nakumpiskang pera sa operasyon.
Sa pagharap naman ni dating Police General Manuel Gaerlan, kinumpirma nito na lahat ng nakalagay sa spot report na isinumite ni Baloyo ay walang katotohanan at nagsisilbi lamang cover up sa kanilang iregulairdad.
Iginiit din ni Gaerlan na binulag ng grupo ni Baloyo ang kanilang superior na si dating Pampanga Police Director at ngayo’y PNP chief Oscar Albayalde.
274