LUMOBO pa ang bilang ng mga babaeng may edad na 10 hanggang 14 sa Pilipinas na maagang nabubuntis.
Batay sa ipinalabas na pag-aaral ng Commission on Population and Development (POPCOM), naitala ang 63 porsyento ng dami ng mga ipinapanganak ng mga menor de edad simula noong 2011 hanggang 2018.
Sa taong 2018 pa lang, aabot na sa 2,250 na sanggol ang ipinanganak ng batang ina.
Bumaba naman ang pagbubuntis ng mga babaeng may edad na 15 hanggang 19 mula sa dating 182,906 noong 2017 ay naging 181,717 noong 2018.
Ipinaliwanag ng POPCOM na magkaibang trend ng dalawang grupo ng adolescents ay bunsod ng magkaibang batayan kabilang ang edad na nagsimula ang buwanang dalaw, kawalan ng sapat na edukasyon, bukas sa mapanganib na behavior sa internet at sa impluwensiya ng mga kaibigan. Maaari ring batayan ang kakulangan ng information dissemination at access sa family planning para sa mga nakababatang populasyon.
“Dahil sa institutional work, bumababa ‘yung pregnancy sa 15 to 19 (years old) pero yung 10 to 14 (years old) mas strategic yata ang action na kailangan natin. Dapat it’s more cultural, we need to get more institutions and adults involved,” paliwanag ni POPCOM chief Juan Antonio Perez III.
Sinabi naman ni Department of Health program manager Dulce Elfa na maihahanay sa tatlong grupo ang mga kabataang babae – hindi aktibo sa sex; aktibo sa pagtatalik; at buntis o isa nang magulang.
“Doon sa first group is to delay the sexual activity… for those who are sexually active—protect them from unplanned pregnancy coupled with prevention of sexually transmitted infections, HIV… and lastly for those who are pregnant or with children is to prevent rapid repeat pregnancy,” ani Elfa.
Samantala, inihayag din ng POPCOM na mayroong tinatayang 130,000 na sanggol na bunga ng maagang pagbubuntis ang mayroong ama na edad 20 pataas. JG TUMBADO
235