(NI ABBY MENDOZA)
MALAMIG na ang tugon ng mga mambabatas sa isyu ng 15-21 House Speakership Term sharing sa pagitan nina House Speaker Alan Peter Cayetano at Marinduque Rep. Lord Allan Velasco.
Ayon kay ACT CIS Partylist Rep. Eric Yap, ang term sharing ay verbal agreement lamang at walang napirmahang kasunduan ukol dito, aniya, noon pa man ay hindi na sila pabor sa term sharing dahil sa negatibong epekto nito sa Kamara.
Sakali man na ipursigi ni Velasco ang ipinagako sa kanya na 21 months sa Speakership ay dapat ipanalo muna nito ang eleksyon.
“Kung may eeksena muli na susunod na Speaker ay dapat magkaroon ng botohan at ipanalo nya ito. Hindi maaari na ilagay na lang siya na Speaker nang walang botohan dahil si Speaker Cayetano ay naging House Speaker dahil sya ang nanalo sa eleksyon,” paliwanag ni Yap.
Una nang iginiit ng mga mambatatas na hindi na kailangan pang magpalit ng leadership ang Kamara lalo at maganda ang pamamalakad ni Cayetano na una nang nakatanggap ng highest approval at trust rating sa Pulse Asia Survey.
Kung sina Yap at Anakalusugan Partylist Rep. Mike Defensor ang tatanungin, maganda ang nagiging takbo ng Kamara sa ilalim ng pamumuno ni Cayetano kaya dapat lamang na ipagpatuloy lamang ito at huwag putulin.
“Lahat ng committees is doing very well.Naging maayos at mabilis ang proseso sa Kamara sa pagapruba ng mga mahahalagang panukalang batas tulad ng 2020 budget at mga tax reform bills. Parang sa basketball lang, kung maganda ang laro ng isang player at pumupuntos ay bakit mo tatanggalin at ibabangko mo”paliwanag ni Defensor.
Nanindigan si Defensor na hindi sya tutol kay Velasco subalit ang kanyang posisyon ay para lamang sa ikabubuti ng bansa at ng Kamara.
Katwiran pa ng dalawang mambabatas na may ilang mga komite na ngayon pa lang Nobyembre nabuo at magsisimulang magtrabaho kaya kung magpapalit ng liderato ay tiyak na magpapalit din lahat ng Committee Chairmanships na makakaapekto naman sa mga nakalinyang trabaho ng Kamara.
145