TRABAHO PARA SA LAHAT NI MARCOS, INISMOL

MINALIIT ng isang mambabatas sa Kamara ang ipinagmalaking nadagdag na trabaho nitong nakaraang Disyembre sa administrasyong Marcos.

Ayon kay Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas, low-paying ang mga trabahong naibigay kaya nagkaroon ng record-low na 3.1 unemployment rate noong December 2023 na naitala ng Philippine Statistics Authority (PSA).

“The jobs situation in the country is far from rosy as low-paying and low-quality jobs made up for the employment spike, aside from the still problematic survey parameters used by the national government,” ayon sa mambabatas.

Mismong sa datos aniya ng PSA ay lumabas na ang naidagdag na 777,000 trabaho ay sa construction industry habang halos kalahating milyon sa accommodation at food service activities na low-paying jobs.

Inihalimbawa ng lady solon ang kaso ng mga waiter at service crew na sumasahod lamang ng P12,000 hanggang P13,000 at posibleng mga seasonal work dahil ginawa ang survey noong Disyembre o Christmas season.

Lalong hindi maganda aniya ang sitwasyon dahil tumaas pa ang underemployment rate noong December 2023 na nagtala ng 11.9% na mataas mula sa 11.7% noong November 2023 na katumbas ng 6 million.

Ang underemployed ay mga manggagawa na hindi regular o kaya mababa ang sahod kaya naghahanap ng karagdagang trabaho upang tumaas ang kanilang kita.

“The Marcos Jr. administration does not deserve commendation for such statistical data, as it continues to tread on the same foreign-investment jobs framework by previous regimes,” ayon pa kay Brosas.

Nauna rito, tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa publiko na lahat ay magkakaroon ng trabaho sa ilalim ng ‘Bagong Pilipinas” na kanyang pino-promote.

Pahayag ito ng Pangulo matapos i-welcome ang ulat na ang labor force participation ng bansa ay umakyat sa 66.6% noong Disyembre 2023, habang ang employment rate ay tumaas din ng 96.9%.

Sa post ng Pangulo sa kanyang X account, sa Bagong Pilipinas aniya, ang pag-unlad at kasaganaan ay dapat lamang na ihatid sa bawat tahanan, sapagkat tiyak na may magandang trabahong naghihintay para sa bawat Pilipino.

Sa kanya pa ring post, sinabi ng Punong Ehekutibo na masaya siyang makita ang mahalagang progreso at katatagan ng labor market ng bansa.

Pinuri naman nito ang pagbaba sa 3.1% ng unemployment rate habang ang underemployment rate ay nabawasan ng 11.9%.

Samantala, itutulak din ng pamahalaan ang “up-skilling at re-skilling initiatives” at i-promote ang pagbabago para ihanda ang mga manggagawa sa kinakailangan kasanayan at kakayahan na angkop para umunlad sa maraming high-quality employment opportunities.

(BERNARD TAGUINOD/CHRISTIAN DALE)

65

Related posts

Leave a Comment