UNANG BATCH NG BAKUNA PARATING NA

INIHAYAG ni Senador Christopher Lawrence “Bong” Go nitong Miyerkoles, Pebrero 3, na nakatakda nang dumating ang unang batch ng 117, 000 doses ng bakuna mula sa Pfizer na idedeliber sa Pilipinas sa buwang ito kabilang ang mahigit 5.5 milyon hanggang 9 milyong doses ng bakuna mula naman sa AstraZeneca na darating sa una at ikalawang yugto ng taon.

Sa pahayag, sinabi ni Go na ginagawa ng pamahalaan ang lahat upang pangunahan ang bansa patungo sa kabuuang pagbabangon dahil paparating na ang mga bakuna na inorder ng gobyerno.

“Sa ngayon po, ang inaasahan natin ngayong buwan na ito ay darating na raw ang unang in-order na vaccine mula sa COVAX. Itong COVAX po ay mula sa WHO (World Health Organization) at sila po ang nangako na magpapadala ng 117,000 na Pfizer vaccines at AstraZeneca, about 5.5 million to nine million,” ayon kay Go sa isang ambush interview matapos pangunahan ang pagbubukas ng 100th Malasakit Center sa Research Institute for Tropical Medicine sa Muntinlupa City.

Sinabi ni Go na unang babakunahan ang mga frontliner na isinuong ang kabilang buhay sa giyera laban sa COVID-19 na binili ng ppamahalaan sa unang yugto ng 2021. Nakatakdang bumili din ng mas maraming bakuna ang pribadong sektor at gobyerno sa ikalawang yugto ng taon.

“Ito po ang unang roll out. Uunahin po ang frontliners para patuloy silang makapagserbisyo. Ito po sa first quarter. Sa second quarter naman, ine-expect nila ang iba’t ibang order po mula sa ating mga pribadong sector at government procurement,” aniya.

Ayon sa senador na naging hamon sa buong mundo ang malaking pangangailangan ng bakuna sa harap ng limitadong suplay.

“Problema po ngayon siguro ay supply. Nag-uunahan po ang supply sa ibang bansa. Nababalitaan namin na mismong malalaking bansa ay nag-o-order na rin po. Kahit sila mismo ay mga kumpanya na nagpo-produce ng vaccine ay nag-o-order na rin po sa ibang bansa dahil kulang po ang kanilang supply,” aniya.

Tiniyak din ni Go na personal na minomonitor ni Pangulong Duterte ang lahat ng pangyayari hinggil sa pagbili ng bakuna ng bansa hanggang matagumpayan ng pamahalaan ang target nitong mapabakunahan ang mahigit 50 hanggang 70 milyong Filipino.

“Mayroon na pong plano. Mayroong vaccine roadmap ang gobyerno being led by Secretary Galvez. Na-identify na po ang unang priority na bibigyan ng vaccine all over the country,” ayon kay Go.

“Sa first roll out ng vaccine na gagawin na po ngayong Pebrero, sa Marso po another order. In the third quarter po, another order na naman po ang darating and, hopefully, by the end of the year, ma-vaccinate na po ang 50 to 70 million Filipinos and, by that time, makapag-adjust na at ma-attain na natin ang herd immunity,” dagdag niya. (ESTONG REYES)

192

Related posts

Leave a Comment