(NI BERNARD TAGUINOD)
PASADO na sa ikalawang pagbasa sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukalang batas na magbibigay ng discount sa mga estudyante kahit walang pasok sa lahat ng uri ng transportasyon.Sa pamamagitan ng viva voce voting, lumusot ang House Bill 8885 sa ikalawang pagbasa at inaasahang isasalang sa ikatlo at huling pagbasa sa susunod na linggo.
Base sa nasabing panukala, kailangang magbigay ng 20% ang lahat ng uri ng transportasyon sa bansa sa mga estudyante kahit sa panahong walang pasok o sa mga weekends at maging sa holidays.Sa ngayon ay umiiral ang 20% discount sa mga estudyante subalit hindi sa lahat araw ay nagbibigay ng discount sa mga estudyante dahil tanging sa panahon lang umiiral ang batas na ito.
Gayunpaman, kapag naging batas ang nasabing panukala, obligado ang lahat ng uri ng transportasyon na magbigay ng discount sa mga estudyante kahit sa araw ng walang pasok sa eskuwelahan.
Ayon kay House committee on Transportation Chairman Cesar Sarmiento, mahalaga ang nasabing panukala para matulungan ang mga estudyante na kailangang lumabas ng kanilang bahay para sa kanilang mga school activities, research at iba pa.
Mas kailangan ng mga estudyante ang nasabing batas dahil karaniwang umuuwi ang mga ito tuwing weekends at holidays subalit hindi sila nagkakaroon ng discounts sa kanilang pasahe sa eroplano, barko.
Maging ang mga tricycle, taxi, transport network vehicle service (TNVS), MRT, LRT at mga pampasaherong bus at jeep ay kailangang magbigay ng 20% sa lahat ng mga estudyante sa bansa.
Sino ang hindi susunod dito kapag naging batas ay pagmumultahin ng P1,000 hanggang P20,000 kapag kumpanya ang sangkot habang ang mga driver ay masususpendi naman ng tatlong buwan ang kanilang lisensya.
211