‘Wag sanang mauwi sa kudeta – solon ‘INTERNAL CONFLICT’ SA AFP NAKABABAHALA

(BERNARD TAGUINOD)

BAGAMA’T itinanggi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na may nangyayaring “internal conflict” sa kanilang hanay, labis pa rin itong ikinabahala ng isang mambabatas sa Kamara.

“Nakakabahala ang ganitong mga sinasabing ‘squabblings’ sa loob ng AFP dahil kung may ganito ay maaaring magkaroon na naman ng mga coup d’etat tulad nung dati at magkaroon uli ng sandamakmak na human rights violations at pagdanak ng dugo,” ani House Deputy Minority Leader France Castro.

Noong Sabado ng hapon ay kumalat ang impormasyon na nagkaroon ng mass resignation sa Department of National Defense (DND), ilang oras matapos ibalik ni dating Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. si Lt. Gen. Andres Centino bilang Chief of Staff ng AFP.

Lalong umugong ang sitwasyon nang kumalat ang umano’y ‘memo’ ng Philippine National Police (PNP) na naglalagay sa buong pwersa ng kapulisan sa ‘heigthen alert status” na kalaunan ay sinabing dahil umano sa Pista ng Itim na Nazareno.

Gayunpaman, nababahala pa rin si Castro dahil sa mga report na isa sa mga dahilan ng “squabble” sa AFP ay ang Republic Act No. 11709 na itinulak ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at naging epektibo noong Abril 2022, na nagpako ng 3 taong fixed term sa “most senior AFP officers” kasama na ang AFP chief of staff at commander ng Army, Air Force at Navy.

“It seems that the law is creating tensions or divisions within the military, as some members may feel that they have been passed over for promotion or that the selection process was not fair,” ani Castro.

Sinabi ng mambabatas na maraming military officer ang nag-lobby na amyendahan ang nasabing batas kaya bago ang Christmas break ng Kamara ay ipinasa na ito sa committee level.

Nangangahulugan aniya na posibleng base sa kapit sa pulitika ang appointment ng AFP officers kapag tuluyang inamyendahan ang nasabing batas.

“That is the sad state of the AFP today that officers are wrangling among themselves to get to the top rank and get a bigger piece of the pie while their soldiers are committing human rights violations left and right,” ayon pa kay Castro.

Kaugnay nito, itinanggi ng PNP ang kumakalat na ‘destabilization plot’ sa social media kasabay ng umano’y pekeng PNP internal communication na nag-aalerto sa kanilang buong pwersa bunsod ng pagpapalit ng renda sa AFP at maramihang pagbibitiw ng Department of National Defense officials noong Sabado.

Mabilis na kumalat ang umano’y bantang destabilisasyon dahil hindi kaagad sumagot ang ilang mataas na opisyal hinggil sa isyu at bandang hapon na rin nagbigay ng tugon o statement of support ang mga senior PNP at AFP officers sa bagong pamunuan ng AFP at sa kasalukuyang administrasyon.

Itinangi rin ng AFP na demoralisado ang kanilang hanay habang ang PNP ay ikinaila na minobilisa nila ang kanilang pwersa at resources para sawatain ang umano’y bantang destabilization plot sa AFP.

Sa kanilang online press conference, inihayag ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo na wala silang inilabas na instruction o kautusan na ilagay ang kanilang buong pwersa sa full alert status kasunod ng tatlong bersyon ng sinasabing memorandum o communication na kumalat sa social media.

PNP officials
maswerte

Samantala, pinuna ng isang grupo ang anila’y pagiging swerte ng mga top officer ng Philippine National Police (PNP) na sangkot sa ilegal na droga.

Hindi kasi tulad ng mga ordinaryong mamamayan na biktima ng war on drugs, ang mga opisyal ng PNP ay binibigyan pa ng pagkakataon.

Ganito ang pananaw ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) sa panawagan ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos sa mga full colonel at generals sa PNP na magsumite ng kanilang courtesy resignation.

“Mabuti pa ang mga PNP Colonels at Generals binibigyan ng pagkakataon, ang libu-libong pinaslang sa drug war, hinatulan agad ng PNP,” ani Danilo Ramos, spokesperson ng KMP.

Isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit pinag-reresign ang top officers ng PNP ay para tanggalin sa puwesto ang mga sangkot sa ilegal na droga.

Base sa pagtataya ng iba’t ibang organisasyon, mahigit 30,000 na pawang ordinaryong mamamayan ang namatay noong kasagsagan ng war on drugs ni dating Pangulong Duterte.

Kabilang dito ang mahigit 6,000 na namatay sa police operations na sinasabing mga ‘nanlaban’. (May dagdag na ulat si JESSE KABEL)

26

Related posts

Leave a Comment