Pagtiyak ni PBBM: PNP EXECS NA SABIT SA DROGA TUTULUYAN

NANGAKO si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na gagawa ito ng malakas na kaso laban sa mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) na sangkot sa illegal drug trade.

Sa katunayan aniya ay bubuo ang gobyerno ng isang komisyon na titingin sa records ng lahat ng mga opisyal para magdesisyon kung ano ang magiging aksyon sa mga sangkot sa ilegal na droga bilang bahagi ng layuning linisin ang hanay ng PNP.

Ang komisyon aniya ang magsasabi kung sino ang malinis at hindi dapat isangkot sa ilegal na droga at bubuo ng kaso laban sa mga matutuklasang sangkot dito.

Giit ng Pangulo, bahagi ito ng kanyang pangako noong kampanya na magpapatupad siya ng ibang approach sa problema sa ilegal na droga ng bansa.

“We approach it in an entirely differently way. Alam naman natin na ‘yung problema sa drugs hindi mangyayari ‘yan kung hindi kasabwat ‘yung mga iba diyan sa police,” ayon sa Pangulo sa isang panayam nang dumalaw siya sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.

At nang tanungin naman ang Pangulo ukol sa request ni Interior Secretary Benjamin Abalos Jr. para sa courtesy resignation ng senior PNP officials, sinabi ng Chief Executive na kailangan tingnan munang mabuti kung sino ang sangkot at hindi na dapat pang magsilbi dahil sa kaugnayan sa drug lords.

“So, tiyakin natin, kung magkakaso tayo, ipapanalo talaga natin at makukulong talaga kung sino man ang mga napatunayan na kasabwat dito sa drug trade,” ang wika ni Pangulong Marcos.

Nauna rito, pinagsumite ni Interior Secretary Benjamin “Benhur” Abalos Jr. ng courtesy resignation ang lahat ng police general at police colonel.

Ito ay kasunod ng rekomendasyon ni PNP chief Police General Rodolfo Azurin Jr. dahil sa isyu ng iligal na droga.

Sinabi ni Abalos na batay sa ilang buwan na pag-aaral ay napag-alaman nila ang lawak ng problema ng ilegal na droga lalo na ang pagkakasangkot ng ilang opisyal ng PNP.

Magkakaroon aniya ng komite na binubuo ng 5 indibidwal na sasala sa mga opisyal ng pulisya na magsusumite ng courtesy resignation.

Pero hindi aniya dapat mag-alala ang mga opisyal lalo na kung hindi sila sangkot sa ilegal na droga.

Ang hakbang ng DILG ay kaugnay ng pagkakaaresto kay Police Master Sergeant Rodolfo Mayo Jr. noong Oktubre 2022 sa operasyon sa Tondo, Manila, kung saan nasamsam ang 990 kilo ng hinihinalang shabu. (CHRISTIAN DALE)

26

Related posts

Leave a Comment