WALANG SUKUAN SA DIVORCE

SA kabila ng ilang beses na pagkabigong makapasa sa mga nakaraang Kongreso, hindi sumusuko ang isang beteranong mambabatas sa pagsusulong sa kanyang pet bill na gawing legal ang diborsyo sa Pilipinas.

Noong 17th Congress, sa unang tatlong taon ng Duterte administration, nakalusot sa ikatlo at huling pagbasa sa mababang kapulungan ang nasabing panukala ni Albay Rep. Edcel Lagman subalit tinabla ito ng Senado.

Nakapasa rin ang nasabing panukala sa committee on Population and Family Relations noong 18th Congress subalit dahil sa pandemya ay natengga ito sa komite kaya hindi nakarating sa senado.

Gayunpaman, ayaw sumuko si Lagman at muli nitong inihain ang nasabing panukala sa pamamagitan ng House Bill (HB) No. 78 ngayong 19th Congress sa paniniwalang makalulusot din ito sa Senado.

Sinabi ni Lagman na hindi lumusot sa Senado ang panukala dahil naubusan sila ng oras.

Ayon sa mambabatas, mahalaga ang nasabing panukala upang makalaya ang kababaihan sa aniya’y “dysfunctional marriages or inordinately abusive marital relations.”
“The Philippines is the only country, aside from the Vatican, which remains to outlaw absolute divorce even as the Catholic hierarchy grants canonical dissolution of marriage,” paliwanag ng mambabatas.

Mas mapapabilis umano ang paglaya ng mahihirap kababaihan na biktima ng hindi matagumpay na relasyon at pag-aabuso ng kanilang mga asawa kung magkakaroon ng divorce sa Pilipinas kumpara sa annulment na para lamang umano sa mayayaman.

Hindi aniya kayang gastusan ng mahihirap ang annulment case kaya nais ng kongresista na magkaroon ng legal divorce sa bansa upang hindi lamang ang mga may kaya sa buhay ang makalaya sa kanilang mga abusado at iresponsableng mister.

“The bill reinstates absolute divorce because it was previously practiced by pre-Spanish Filipinos, and also during the American era and Japanese occupation,” depensa pa ng mambabatas dahil inaasahan na tututulan ito ng Simbahang Katoliko tulad sa mga nakaraan. (BERNARD TAGUINOD)

68

Related posts

Leave a Comment