YOSI, ALAK, VAPE MAY DAGDAG BUWIS NA  

(NI ESTONG REYES)

INAPRUBAHAN ng   Bicameral Conference Committee ang panukalang dagdagan muli ng panibagong buwis ang sigarilyo, alak at e-cigarette o vape upang makakalap ng sapat ng pondo ang pamahalaan para sa Universal Health Care (UHC).

Sa magkahiwalay na panayam, sinabi ni Senador Pia Cayetano, chairman ng Senate committee on ways and means; at Rep. Joey Salceda, chairman ng House committee on ways and means na nagkasundo ang dalawang kapulungan na dagdagan muli ang buwis sa naturang produkto matapos ang mahabang diskusyon na ginanap sa Senado.

Anila, nagkasundo ang bicam  na patawan ng  karagdagang buwis ang distilled alcohol o hard drinks tulad ng brandy, whisky, vodka at iba pa ng P42 kada litro simula sa susunod na taon 2020, P47 sa 2021, P52 sa 2022, P59 sa 2023 at P66 sa 2024.

Papatawan naman ng karagdagang buwis ang fermented alcohol tulad ng beer ng P35 kada litro simula 2020, P37 sa 2021, P39 sa 2022, P41 sa 2023, at  P43  sa 2024.

Nakatakda rin na patawan ng karagdagang buwis ang sigarilyo ng P25 kada kaha sa loob ng limang taon.

Ang e-cigarettes o vape na nahahati sa dalawang klase na ang freebase ay papatawan ng buwis na P45 per 10 milliliter at ang nicsalt ay papatawan ng P37 per 10 milliliter.

Ayon kina   Cayetano at  Salceda,  makakakolekta ang gobyerno ng P24.9 bilyon sa 2020 upang pondohan ang Universal Health Care, Philhealth, Health Facilities Enhancement Program ( HFEP) at para sa outpatient program.

Ayon kay Cayetano, isinama nila ang outpatient program upang maaga pa lamang ay maagapan na ang sakit ng mga pasyente kung may sapat na pondo para sa mga outpatient sa mga hospital.

Napagkasunduan din ng dalawang kapulungan ng kongreso na 21 years old pataas ang dapat na bentahan ng e-cigarettes at kailangan na naninigarilyo.

Ipinagbabawal din na bentahan ng vape ang hindi naninigarilyo.

Aminado naman si Senadora Cayetano na bilang health advocates hindi siya kuntento sa napagkasunduan na karagdagang buwis sa alak, sigarilyo at e-cigarettes para mas mabigyan ng sapat na pondo ang kalusugan.

Matapos na ratipikihan agad ito na isusumite sa palasyo ng Malakanyang para lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

 

235

Related posts

Leave a Comment