KUNG pagbabatayan ang mga nakalatag na plano kaugnay ng nalalapit na halalan, handang-handa na ang National Capital Region Police Office (NCRPO) na tiyakin ang kaayusan sa Metro Manila.
Giit ni NCRPO director Major General Vicente Danao, may inilatag na silang peace and order plan para sa 17 lokalidad sa rehiyong kanyang nasasakupan.
Kabilang sa kanyang ibinabang direktiba ay ang pagpapalawig ng intelligence driven at target hardening laban sa mga posibleng maghasik ng karahasan tulad ng mga komunistang terorista at maging mga tinawag niyang organized crime groups.
“We cannot be complacent. We have to ensure the safety and security of our kababayan, Let us intensify Intelligence info net with cooperation and coordination to our counterparts,” ani Danao.
Pasok din sa kanyang atas ang pagpapaigting ng operasyong Simultaneous Anti-Criminality Operation (SACLEO), one time – big time operation, at Oplan Paglalansag, na pawang pangangasiwaan ni NCRPO Deputy Regional Director for Operation Brig. Gen. John Arnaldo.
Gayunpaman, tiniyak ni Danao na hindi pa rin nila dapat pabayaan ang kampanya kontra droga at iba pang kriminalidad sa rehiyon at maging ang paglilinis sa hanay ng kapulisan sa kanyang nasasakupan sa ilalim ng programang Oplan Litis. (JESSE KABEL)
