NAKIUSAP si National Capital Region Police Office (NCRPO) Regional Director P/Brigadier General Vicente Danao Jr. sa mga magulang na huwag munang palabasin ng bahay ang mga kabataan ngayong Kapaskuhan hangga’t wala pang bakuna laban sa COVID-19.
Ito ay sa kabila na pinayagan nang makalabas ang mga 15-anyos basta may kasamang ‘adult’ para makadalo sa iba’t ibang aktibidad.
Ang pahayag ay ginawa ni General Danao nang magpunta ito sa Manila Police District (MPD) Headquarters sa United Nation Avenue sa Ermita, Manila para sa turn-over of office ceremony/
Tiniyak ni Danao na magpapakalat ng maraming pulis sa buong Metro Manila sa panahon ng Simbang gabi.
Ito umano ay para matiyak na maipatutupad ang health protocols gaya ng social distancing, pagsusuot ng face mask at face shields.
Sinabi rin niya na patuloy na ipatutupad ang naumpisahan nang mga proyekto para sa mga pulis at nakapokus ang programa ng NCRPO sa COVID-19.
Nagbabala rin si Danao sa mga pasaway na pulis na “good luck” na lamang sa kanila at mayroon silang pagkakalagyan lalo na iyong mga sangkot sa drugs, sugal at iba pang ilegal na gawain. (RENE CRISOSTOMO)
