NAKAALERTO pa rin ang puwersa ng Philippine Navy, Philippine Coast Guard at Philippine National Police sa mga area na dinaanan ng Severe Tropical Storm Jolina at lugar na tinatahak ngayon ni Typhoon Kiko kasunod ng ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na 31 katao ang iniulat na nawawala.
Sa inilabas na situational report ng NDRRMC nitong Huwebes ng umaga, siyam ang namatay habang 31 mangingisda ang nawawala bunsod ng pananalasa ng bagyong Jolina. Bukod dito, apat katao ang nasaktan, ayon sa 12:00 pm situational report ng NDRRMC.
Ayon sa ulat ng Police Regional Office 8 sa Palo, Leyte, natagpuan ang bangkay ng mga mangingisda na sina Alejandro Solayao, Sonny Boy Ibayan, Joseph Emnas at Benedicto de Paz sa karagatan ng Santo Niño, Samar matapos na tumaob ang kanilang bangka.
Namatay naman ang mangingisda na si Bienvinido Marquez matapos tumaob ang bangkang sinasakyan sa Sierra Island, Samar nang salpukin ng alon.
Namatay rin ang mga mangingisdang sina Ryan Jerusalem na taga-Tarangan, Samar; Ror Carcellar at Mark Jhun Nierras na taga-Daram, Samar. Namatay naman ang isa pang biktima na si Marcelo Lolo na nalunod sa Maasin City, Southern Leyte.
Nananatiling naka-deploy ang Disaster Response and Recovery teams ng Fleet Marine Ready Force (FMRF) ng Philippine Navy.
Ayon kay Navy Public Information Office chief, CDR Benjo F. Negranza, noong Setyembre 6 ay kanilang inorganisa ang Naval Task Force (NTF) 83 at nanatiling nakaalerto bilang paghahanda sa posibleng epekto ng Super Typhoon Kiko.
Bukod sa NTF83, minobilisa rin ang iba pang PN operating forces sa Northern Luzon, Southern Luzon at Cebu para paghandaan ang Humanitarian Assistance and Disaster Response (HADR) deployment.
Samantala sa Batangas, patay ang isang hardinero ng isang village sa bayan ng Laurel sa lalawigang ito, matapos na matabunan ng lupa sa nangyaring landslide habang nananalasa ang bagyong Jolina noong Miyerkoles ng hapon.
Kinilala ang biktimang si Mark Dave Pamolangue, 25, tubong Mindoro at kasalukuyang nakatira sa Twin Lakes Subdivision, Brgy. Dayap Itaas, Laurel, Batangas, na wala nang buhay nang mahukay makaraan ang insidente. (JESSE KABEL/NILOU DEL CARMEN)
187 