SWAK sa kalaboso ang isang negosyante matapos mahulihan ng isang pakete ng selyadong plastik ng hinihinalang shabu sa inilatag na buy-bust operation ng Sorsogon Police Provincial Office sa Brgy. Cogon, Sorsogon City.
Ayon sa ulat na isinumite sa tanggapan ni PNP-PRO5 Regional Director P/BGen. Jonnel C. Estomo, kinilala ang suspek na si Julius Cesar Roque Empleo, 40, residente ng Brgy. Pangpang.
Samantala, dalawang kabilang sa Naga City drug watchlist database ang nadakip sa ikinasang anti-narcotics operation ng mga operatiba ng Naga City Police Office, sa pakikipag-ugnayan sa PDEA ROV.
Alas sais ng gabi sa Zone 5 Acacia St., Abella nang makipagtagpo ang mga suspek sa poseur buyer ng PNP kung saan matagumpay na nagpalitan ng droga kapalit ang halagang P68,000.
Kinilala ang mga nahuli na sina Isagani Gayondato y Primavera, 34, fish vendor, at si Rene Dimayuga y Bombales, 24, watch repairman, na kapwa nadakip sa nasabing transaksyon.
Pawang nasa kustodiya ng pulisya ang mga nadakip para sa kaukulang disposisyon at dokumentasyon. Nahaharap ang mga ito sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (JESSE KABEL)
