INIHAIN ni Senador Manuel “Lito” Lapid ang isang panukalang batas na magbibigay proteksiyon sa deliver riders/drivers sa pamamagitan ng parusang kulong sa sinoman nagkakanselang customer sa kanilang mga inorder partikular sa pagkain at grocery items.
Sa panukala, sinabi ni Lapid na magkakaroon ng mandatory reimbursement scheme ang lahat ng food at grocery delivery service providers laban sa kinanselang order.
Aniya, sa loob ng ilang buwan simula nang manalasa ang corona virus 2019 (COVID-19) pandemic, halos lahat ng residente at manggagawa ay puwersadong manatili sa bahay at iniiwasan ang matataong lugar na palaging binibisita tulad ng restoran at groceries.
Dahil dito, napilitan ang karamihan na gumamit ng delivery service kaya naging frontliner ang mga delivery riders/driver na sinusuong ang panganib na lumabas sa pagkuha ng pagkain at pagbili ng groceries at inihahatid sa tahanan ng kanilang customer.
Kasamaang-palad, may ilang delivery riders ang naharap sa hindi makatuwirang pagkansela ng order o kadalasan “no show” ang customer, kahit nabayaran na niya ang inorder na bagay o pagkain.
“Masakit isipin na sa kabila ng panganib na hinaharap ng mga delivery rider para lamang makapagserbisyo sa mga customer at kumita ng maliit na halaga, sa huli, sila pa ang naloloko. Bukod sa nasasayang ang oras at salapi ng mga rider dahil sa pagkansela ng order, ang mas malala pa, may mga pagkakataon na ni hindi matunton ang address ng nanlokong customer dahil sa fake address. Hindi tuloy sila mapanagot at naiiwang lugi at abonado ang mga delivery riders,” ayon kay Lapid.
Nakatakda sa Senate Bill No. 1677, inaatasan ang service provider na magbuo ng reimbursement scheme pabor sa delivery rider/driver na sasakupin ang kabuuang halaga ng perang ipinambili nito ng bagay kapag kinansela ang kumpirmadong order. Kailangan maibalik ang perang ginastos ng rider sa pagbili ng item sa loob ng isang araw mula nang kanselahin ang order.
Sinabi ni Lapid na nakatakda sa panukala na para makolekta sa cancelling customer, kailangan ipatupad ang Know- Your-Customer (KYC) rule na nangangailangan ng pagsusumite at beripikasyon ng proof of identity at residential address, alinsunod sa itinakda ng Data Privacy Act of 2012.
Parurusahan ang sunod-sunod na pagkansela ng kumpirmadong order para sa paghahatid ng pagkain o grocery item kung nabayaran na ito ng delivery rider/driver. (ESTONG REYES)
