2022: MASALIMUOT PERO PUNO PA RIN NG PAG-ASA

Ni CREMA LIMPIN

HINDI naging madali para sa 110 milyong Pilipino ang landas na tinahak sa nakalipas na 12 buwan, lalo pa’t dama pa rin hanggang ngayon ang paghina ng ekonomiya bunsod marahil ng dagok ng pesteng pandemya.
Sa hindi inaasahang pagkakataon, mas tumindi pa ang pagsubok nang halos magkawatak-watak ang mga Pilipino bunsod ng maruming pulitikang bumalot sa nagdaang halalan nito lamang nakalipas na Mayo.
Sa kasalukuyang taon din naganap ang pagsiklab ng hidwaan sa pagitan ng Ukraine at Russia  – mga bansang higit na kilala bilang supplier ng langis sa pandaigdigang merkado.
Tayo nang balikan ang mga tampok na kaganapan sa nakalipas na 12 buwan.

Enero

Nilagdaan ng noo’y Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 11467 na nagbigay-daan sa pagtaas ng buwis para sa mga tinatawag na “sin products” tulad ng alak at sigarilyo.
Nakalaya mula sa bilangguan si Juanito Itaas na hinatulan taong 1991 kaugnay ng pamamaslang kay United States Army Col. James Rowe noong 1989.
Pormal na sinampahan ng kasong murder  ng National Bureau of Investigation (NBI) ang 17 pulis na di umano’y pumatay sa dalawa sa siyam na aktibistang pinaslang sa tinaguriang “Bloody Sunday” sa Calabarzon region.
Bahagyang naibsan ang agam-agam ng mga Pilipino sa Philippine banking industry matapos dakpin ang lima kataong pinaniniwalaang responsable sa misteryosong paglalaho ng nakadepositong pera sa BDO-Unibank noong Disyembre 2021.
Kinilala at kinasuhan na rin ng Department of Justice (DOJ) ang siyam na pulis na pinaniniwalaang responsable sa pamamaslang kay dating Calbayog City Mayor Ronaldo Aquino at mga kasama noong Marso 2021.

Pebrero

Pormal na sinimulan ang 90-araw na kampanya para sa mga kandidatong tumakbo para sa posisyon ng Pangulo, Pangalawang Pangulo, Senador at party-list congressman.
Ginulantang naman ng noo’y presidential spiritual adviser Apollo Quiboloy ang Pilipinas matapos isama sa talaan ng “Most Wanted” ang matalik na kaibigan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng “sex trafficking.”
Dinakip sa San Juan City ng Philippine National Police (PNP) si Dr. Natividad Castro, na mas kilala bilang aktibistang nagsusulong sa karapatan ng mga katutubong Lumad sa Mindanao. Ang mga kaso – kidnapping at serious illegal detention na kalaunan ay ibinasura ng Bayugan City Regional Trial Court (RTC).
Labing-anim na organisasyong kilalang kritiko ng administrasyong Duterte ang idineklarang terorista ng Anti-Terrorism Council.

Marso

Bumungad ang buwan sa paglagda ni Duterte ng RA 11647 na nagbigay-daan para sa mas madaling pagpasok ng mga kapitalista sa bansa. Matapos ang tatlong linggo, pinirmahan din ng noo’y Pangulo ang RA 11659 na nagbibigay pahintulot sa mga banyagang kapitalista na magmay-ari siento-por-siento ng mga negosyong pasok sa kategorya ng public utility tulad ng kuryente, tubig, internet at iba pa.
Sumipa na rin ang kampanya para sa mga kandidatong puntirya ang lokal na posisyon – gobernador, bise-gobernador, kinatawan ng mga distrito, bokal (provincial board members), mayor, vice-mayor at mga konsehal ng bayan at lungsod.
Sa bisa ng RA 11648, itinaas sa 16 (mula sa 12) ang edad ng biktima ng panghahalay para sa kasong “statutory rape” – bagay na hindi ikinatuwa ng sektor ng kababaihan. Inobliga ni Duterte ang lahat ng paaralan (kesehodang pribado o pampubliko) na magtaguyod ng libreng edukasyon para sa mga may kapansanan, sa bisa ng pinirmahang RA11650.
Muling pumutok ang bulkang Taal.

Abril

Tuluyang ibinasura ng Korte Suprema ang mga petisyon laban sa Anti-Terrorism Act of 2020 bunsod ng kawalan ng matibay na argumento mula sa panig ng mga kontra sa RA 11479.
Sa gitna ng mainit na panahon, binayo ng bagyong Agaton ang Visayas at malaking bahagi ng Mindanao. Nang humupa ang sama ng panahon 212 ang naitalang namatay, habang 132 ang di pa rin nakikita. Nag-iwan din ito ng P5-bilyong pinsala.
Umabot sa 8,241 sa kabuuang 11,402 law graduates – katumbas ng 72.28% passing rate (pinakamataas sa kasaysayan) ang naging ganap na abogado mtapos makalusot sa kauna-unahang “digitized” bar examination.
Idineklarang National Press Freedom Day ang Agosto 30 bilang pagkilala sa kabayanihan ni Marcelo H. Del Pilar na mas kilalang “Ama ng Peryodismong Pilipino.
Matapos ang limang taon, pinirmahan ng noo’y Pangulo ang RA 11696 na nagtatakda ng danyos sa mga pamilyang nawalan ng tahanan nang inilunsad ng kanyang administrasyon ang opensiba kontra terorismo sa Marawi City taong 2017.

Mayo

Kinatigan ni Duterte ang rekomendasyon ng Department of Interior and Local Government (DILG) para sa agarang tigil-operasyon ng kontrobersyal na e-sabong bunsod ng panawagan ng mga kaanak ng 34 sabungerong dinukot sa Maynila at mga karatig lalawigan ng Cavite, Laguna Bulacan at Rizal.
Maliban sa ilang lugar, mapayapang naidaos ang national and local elections batay na rin sa probisyong kalakip ng Saligang Batas. Sa 10 kandidato sa posisyon ng Pangulo, idineklarang wagi si Ferdinand Marcos Jr. habang ang kanyang katambal na si dating Davao City Mayor Sara Duterte naman ang nanalong Bise-Presidente.
Ibinasura ng Muntinlupa RTC ang kasong “contempt” laban kay dating Senador Leila De Lima at abogadong si Filibon Tacardon kaugnay ng mga naisapublikong pahayag hinggil sa testimonya ng mga isinalang na saksi ng prosekusyon.
Pinagtibay ng Korte Suprema ang hatol na pagkakakulong na inilabas ng Sandiganbayan laban kay NBN-ZTE whistleblower Jun Lozada.
Pinagtibay ng Court of Appeals ang sentensyang inilabas ng husgado laban kay retired general Jovito Palparan at dalawang iba pa kaugnay ng pagdukot at pagkawala ng dalawang UP students na sina Karen Empeno at Sherlyn Cadapan taong 2006.

Hunyo

Matapos ang anim na buwan, nakalaya mula sa Pasay City Jail sina Mohit Dargani at Linconn Ong ng Pharmally Pharmaceutical Corporation.
Sinuspinde ng Office of the Ombudsman si Anti-Red Tape Authority (ARTA) Director General Jeremiah Belgica at apat pang iba kaugnay ng kasong katiwalian sa ahensya. Naghain din ng kasong graft sa Sandiganbayan laban sa 42 tauhan ng Bureau of Immigration kaugnay ng “pastillas scam.”
Hinatulan din ng Sandiganbayan ang noo’y Surigao del Sur Rep. Prospero Pichay Jr. bunsod ng bulilyaso sa pondo sa Local Water Utilities Administration kung saan siya nagsilbing administrador.
Isinailalim ng National Grid Corporation sa red alert status ang buong Luzon bunsod ng manipis na supply ng kuryente. Nasa mahigit isang milyong kabahayan ang apektado.
Tuluyan nang nilusaw ng Securities and Exchange Commission ang certificates of incorporation ng Rappler Inc. and Rappler Holdings Corporation. Kasabay nito ang paglabas ng closure order laban sa media organization na kilalang kritiko ng administrasyong Duterte.
Nanumpa bilang ika-17 Pangulo ng Republika ng Pilipinas si Ferdinand Marcos Jr. Sa unang araw sa Palasyo, agad niyang nilagdaan ang Executive Order No. 1, na bumuwag sa Office of the Cabinet Secretary at Presidential Anti-Corruption Commission (PACC).

Hulyo

Sinalubong ng magandang balita ang unang araw ng panunungkulan ng bagong Pangulo matapos gawaran sa ginanap na United Nations Ocean Conference as Lisbon, Portugal ng platinum-level Blue Park Award ng Marine Conservation International ang Apo Reef Natural Park sa Occidental Mindoro.
Kinumpirma ng National Bureau of Investigation (NBI) ang paghahain ng kaso laban sa 22 pulis kaugnay ng pagkamatay ng walong high-profile inmates sa New Bilibid Prisons.
Pinagtibay ng Court of Appeals (CA) ang hatol na inilabas ng Manila RTC laban kay Rappler CEO Maria Ressa at dating Rappler reporter na si Reynaldo Santos Jr. kaugnay ng kasong libelong inihain ng isang negosyante.
Tuluyang ibinasura ng Sandiganbayan ang forfeiture case na inihain laban sa pamilyang Marcos.
Isang doktor na kritiko ng isang alkalde sa katimugan ang walang habas na namaril sa loob ng Ateneo de Manila University sa Quezon City. Tatlo ang patay kabilang ang isang babaeng dating alkalde, habang tatlo ang naitalang nasugatan.
Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos ang pagbubukas ng 19th Congress sa kanyang kauna-unahang State of the Nation Address (SONA).
Niyanig ng isang magnitude 7 na lindol ang malaking bahagi ng Luzon. Paghupa ng pagyanig ng lupa, 11 ang kumpirmadong patay, habang umabot naman sa P2 bilyon ang pinsala sa mga imprastraktura.

Agosto

Ibinasura ng Office of the Ombudsman ang kaso laban kina dating Senador Leila de Lima at bodyguard na si Ronnie Dayan, kaugnay ng di umano’y P8-milyong suhol na tinanggap mula sa aminadong drug lord na si Kerwin Espinosa.
Matapos ang 10 buwan, nakabalik sa daigdig ang kauna-unahang university-built Filipino cube satellite na Maya-3 at Maya-4.
Kinasuhan ng DOJ ang 16 indibidwal (kabilang ang ilang madre) na bahagi ng Rural Missionaries of the Philippines kaugnay ng di umano’y pagtulong sa Communist Party of the Philippines–New People’s Army (CPP–NPA).
Pormal na binuksan muli ang mga paaralan sa face-to-face classes para sa school-year 2022-2023.
Walo ang patay – kabilang ang mag-asawang Benito at Wilma Tiamzon – sa sagupaan ng isang grupo at mga sundalo habang lulan ng bangkang-de-motor sa karagatang sakop ng Catbalogan, Samar.
Naglabas ng temporary restraining order (TRO) ang Korte Suprema laban sa implementasyon ng “no-contact apprehension program” (NCAP) sa National Capital Region.

Setyembre

Pumutok ang usapin hinggil sa paglagda ni Agriculture Secretary Leocadio Sebastian sa mga Sugar Order No. 4 na nagbibigay pahintulot sa piling kumpanya para umangkat ng asukal sa ibang bansa – nang hindi alam ni Pangulong Marcos Jr. na tumatayong Kalihim ng departamento.
Kinansela ng Court of Appeals ang mandamiento de arresto na ginamit sa pagdakip sa kasagsagan ng pandemya kay Reina Mae Nasino, ang aktibistang nabalitang namatayan ng tatlong-buwang gulang na anak habang nasa piitan.
Nagbitiw sa pwesto bilang Executive Secretary si Atty. Vic Rodriguez na nagsilbing tagapagsalita ng ngayo’y Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa nakalipas na pitong taon.
Sa bisa ng Executive Order No. 3 na nilagdaan ng Pangulo, pinahintulutan na ang voluntary use ng facemask sa labas ng mga kulob na gusali at establisimyento.
Nilagdaan ni Marcos ang Proclamation No. 57, para sa pagpapalawig ng state of calamity sa buong bansa hanggang sa Disyembre 31 ng kasalukuyang taon bunsod ng patuloy na banta ng nakamamatay na COVID-19.
Inaprubahan ng Pangulo ang one-year moratorium sa pagbabayad ng lupa sa hanay ng mga benepisyaryo ng Comprehensive Agrarian Reform Program ng pamahalaan.
Binayo ng bagyong Karding ang malaking bahagi ng Luzon. Pagkatapos ng kalamidad, 12 ang naitalang pumanaw habang nasa P3 bilyon naman ang halaga ng pinsala.

Oktubre

Umani ng kabi-kabilang batikos ang Philippine Charity Sweepstakes Office matapos lumabas ang resulta ng Grand Lotto 6/55 – 433 mananaya ang naghati-hati sa P236 milyong premyo.
Pinaslang ang batikang komentaristang si Percy Lapid habang nagmamaneho patungo sa kanyang studio para mag-ere ng kanyang programang Lapid Fire. Ang pagpatay sa pinakamatinding kritiko ng nakaraang administrasyon ay lubhang lumikha ng ingay maging sa ibang bansa.
Pinirmahan ng Pangulo ang RA 11934 (SIM Registration Act) sa hangaring tuldukan ang pandedenggoy ng mga utak-sindikato gamit ang iba’t ibang SIM cards na mabibili sa merkado.
Ang dapat sana’y halalang pambarangay ngayong buwan ng Disyembre, idaraos na lang pagsapit ng Oktubre ng susunod na taon sa bisa ng RA 11935 na nilagdaan ng Pangulo.
128 taong pagkabilanggo ang hatol ng Sandiganbayan laban kay former mayor Datu Sajid Islam Ampatuan ng Shariff Saydona Mustapha bunsod ng katiwalian.
Huli sa akto ng PDEA ang anak ni Justice Secretary Boying Remulla na si Juanito Remulla habang tinatanggap ang P1.3-milyong halaga ng drogang inangkat pa mula sa ibang bansa. Kasalukuyang nakapiit si Juanito III na nahaharap sa kasong paglabag ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act).
Sinalanta ng bagyong Paeng ang malaking bahagi ng bansa. Pinakamabigat ang iniwang pinsala ng bagyo sa Calabarzon, Bicol Region, Western Visayas at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, kung saan nakapagtala ng 160 kataong patay, bukod pa sa 30 hindi pa nakikita.

Nobyembre

Sinampahan ng magkahiwalay na kasong murder ng NBI at PNP si dating Bureau of Corrections chief Gerald Bantag at Senior Superintendent Ricardo Zulueta, na kapwa kinilalang mastermind sa pamamaslang kay Lapid at di umano’y middleman ni si Jun Villamor.
Tinuldukan ng pamahalaan ang deployment ban ng mga manggagawang Pilipino sa Saudi Arabia matapos mailatag ang mekanismong nagbibigay proteksyon sa mga overseas Filipino worker sa naturang bansa.
Hinatulan ng habambuhay na pagkakakulong ng husgado ang isang pulis-Caloocan kaugnay ng pagpapahirap at pagpatay sa dalawang binatilyo sa kasagsagan ng giyera ng administrasyong Duterte kontra droga.
Sentensyado rin ang dating artista at former Quezon City councilor Roderick Paulate kaugnay ng kasong falsification na inihain kalakip ng paratang hinggil sa ghost employees sa kanyang tanggapan habang nanunungkulan.

Disyembre

Matapos lumabas ang pangalan sa talaan ng Most Wanted sa Estados Unidos, naglabas naman ng freeze order ang US Department of Treasury sa lahat ng pag-aari at negosyo ni Quiboloy at 40 iba pang kapanalig sa kanyang sektang Kingdom of Jesus Christ (KOJC).
Hinandugan ni Marcos ng regalo, sa bisa ng mga nilagdaan direktiba, ang mga kawani ng pamahalaan – mula sa mga regular na empleyado hanggang sa mga casual, contract of service at job order.
Sumipa na rin ang SIM Registration Act.

34

Related posts

Leave a Comment