380 KILOS NG SHABU KINUPIT KAY MAYO?

HINDI lang 42 kilos ang kinupit umano ng mga ahente ng Philippine National Police-Drug Enforcement Group (PDEG) sa pagsalakay ng PDEG Region 4A sa lending firm ni dating Master Sgt. Rodolfo Mayo Jr. sa Tondo noong Oktubre 8, 2022.

Lumitaw sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng House committee on dangerous drugs na pinamumunuan ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, na hindi lang 42 kilos kundi 380 kilos ang tinangay umano ng mga pulis.

Sa pagtatanong ni Antipolo City Rep. Romeo Acop, inamin ni Col. Romeo Portera, hepe ng Intel and Foreign Liaison Division na 19 beses umanong naghakot ang mga pinaghihinalaang pulis.
“Tingin niyo 42 kilos lang (ang kinuha) sa 19 time (na paghahakot)?,” tanong ni Acop na sinagot naman ni Portera na “…ang sa report namin, is around 380 kilos”.

Habang isinusulat ito ay nasa executive session ang komite matapos itong hilingin nina dating PDEG Director BGen. Narciso Domingo at ang operating officer mula sa PDEG SOU 4A na si Capt. Jonathan Sosongco.

Isa sa inaasahang aalamin sa executive session ay kung saan galing ang droga na nakaimbak sa lending firm ni Mayo dahil hanggang ngayon ay walang nagsasalita ukol dito.

Subalit bago ito, inurirat ng mga mambabatas sina Lt. Col. Arnulfo Ibañez, dating OIC ng PDEG SOU National Capital Region (NCR) at Lt. Col. Glenn Gonzales ng Quezon City Police District dahil sa umano’y pakikialam ng mga ito sa operasyon laban kay Mayo.

Si Gonzales ay dating opisyal ng PDEG habang si Ibañez ang amo ni Mayo subalit nasa crime scene ang mga ito gayung ang Region 4A ang may operasyon kaya pinagdudahan ni 1Rider party-list Rep. Bonifacio Bosita.

“Yung involvement ng dalawang colonels na ito kuwestiyonable talaga,” ani Bosita kaya dapat laliman pa ang imbestigasyon sa mga ito.

Kasama sa resource person sa nasabing imbestigasyon si Mayo sa pamamagitan ng zoom subalit nag-invoke ito ng “right to remain silent” kaya walang nakalkal ang mga mambabatas maliban sa pahayag nito na “moro-moro” ang kanyang kaso. (BERNARD TAGUINOD)

229

Related posts

Leave a Comment