INIHAYAG ni Senador Christopher Lawrence “Bong” Go na darating na sa bansa ang tinatayang aabot sa 487,000 na doses ng bakuna mula sa AstraZeneca sa ilalim ng COVAX Facility ng World Health Organization mamayang gabi.
Sa pahayag, sinabi ni Go, chairman ng Senate committee on health and demography na personal nilang sasalubungin ni Pangulong Duterte ang pagdating ng bakuna mamayang 7:30 p.m.
“Good news po — inaasahan na darating 7:30pm ang 487,200 doses ng mga vaccines mula sa AstraZeneca. At sasalubungin po namin mismo ni Pangulong Duterte ang mga bakuna mula po sa COVAX facility. Ito pong 487,200 vaccines mula po sa AstraZeneca,” aniya.
“Good news po yan para sa ating mga frontliners dahil mayroon na silang pagpipilian — yung mula po sa Sinovac at ngayon po mayroon na tayong Astrazeneca,” dagdag ng senador.
Umaasa naman si Go na tuloy-tuloy at walang patid ang pagdating ng bakuna hangga’t mapabakunahan ang lahat ng mamamayan.
“Sana po ay tuloy-tuloy na po ang pagro-rollout ng pagbabakuna at dapat nating kunin ang kumpyansa ng mamamayan na ang tanging solusyon, ang tanging susi ay ang bakuna lamang para unti-unti na tayong makabalik sa normal nating pamumuhay,” aniya.
“Huwag po kayo matakot sa bakuna, matakot po kayo sa COVID-19,” dagdag ni Go. (ESTONG REYES)
162