Alyas Billy Joe patuloy sa pangongolekta sa Calabarzon JUETENG SA REGION 4A HAMON KAY ACORDA

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

MALAKING hamon ngayon sa pamunuan ng Philippine National Police (PNP) kung paano ibabangon ang kanilang imahe dahil bukod sa isyu ng malawakang pagpupuslit ng ilegal na droga na ginagawa mismo ng ilang PNP officials ay nagsusulputan pa rin ang illegal gambling sa bansa.

Mananatiling sakit ng ulo ni Chief PNP, Police General Benjamin C Acorda Jr. ang pagsugpo sa mga ilegal na sugalan dahil tulad sa droga ay may mga pulis din umanong protektor nito.
Kamakailan, buong pagmamalaki at masipag na nagpa-press conference si Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Benhur Abalos upang ihayag na nililinis nila ang hanay ng pambansang pulisya.

“Paanong malinis eh mismong mga opisyal sa PNP ay nagtuturuan kung sino ang protektor ng sindikato sa droga. Pati iyang illegal gambling, pansinin n’yo kabi-kabila na naman,” ayon sa isang retiradong heneral na nagsabing nakadidismaya ang pagbulusok ng imahe ng PNP ngayon.

Sa impormasyong nakarating sa SAKSI Ngayon, sa buong Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon) ay mistulang piyesta na naman ang lahat ng uri ng sugal mula jueteng, STL, bookies, EZ2, at kahit mga sugal lupa na tulad ng tupada, perya, color game at cara y cruz.

Ayon sa impormante, kamakailan lang ay isang ‘bidding’ ang isinagawa upang malaman kung sino ang pwedeng humawak ng illegal gambling collection para sa tanggapan ng bagong upong direktor ng Police Regional Office (PRO) 4A na si Brig. Gen. Carlito Gaces.

Si Gaces na magreretiro sa darating na Oktubre ay iniupo sa puwesto noong nagdaang buwan ng Abril.

Marami tuloy ang nagdududa na dahil anim na buwan lamang sa serbisyo ay nagmamadali na ngayon ang heneral kaya open sa buong southern tagalog ang illegal gambling — bagay na dapat patunayan ng opisyal na hindi totoo.

Umabot sa P6.4 million ang ‘winning weekly bid’ ni Billy Joe para sa PRO4A na naging dahilan upang ito ang binigyang karapatan para mangolekta ng tongpats o payola sa lahat ng illegal gambling operators sa buong Calabarzon.

Kung susumahin, ang P6.4 million kada linggo ay aabot sa P25.6 M kada buwan na napakalaking halaga kung mapupunta ito sa kabang yaman ng bansa.

Pagyayabang ni Billy Joe, ito umano ay para lamang sa tanggapan ni Gen. Gaces na ipinagtataka rin ng karamihan kung bakit pikit-mata ang opisyal para linawin ang isyu.

Isang alyas Boy Liit na nagpapakilala namang ‘close-in staff’ ni Sec. Abalos ang kumukolekta ng lagay para sa media.

Dahil sa naturang payola kada linggo, kahit sinong police provincial director ay wala nang magawa ngayon upang ipahuli ang lahat ng sugalan sa kanilang nasasakupan.

Ang illegal gambling operator sa Laguna ay isang alyas Tose at Don Ramon; sa probinsya ng Cavite ay si John Yap at ang katiwala nito ay si Jun Albaran.

Ang may hawak ng buong Rizal province ay ang veteran gambling lord na si Tony Santos, samantalang sa Quezon ay si Eddie Kabayo.

Dahil sumabog na sa publiko ang pagkakapanalo sa bidding ni Billy Joe, bilang kolektor ng PRO4A, patuloy naman ang ginagawang pag-monitor ng intelligence community hinggil dito, lalo’t ilang mambabatas na rin ang nagpaplanong magpatawag ng pagdinig mula sa mataas at mababang kapulungan ng Kongreso.

Ang kolektor na si Billy Joe ay lagi umanong may dalang hindi lisensyadong baril, ayon pa sa intel community.

Umaasa ang ilang lokal na opisyal sa Calabarzon na gagawa ng aksiyon hinggil dito sina Abalos at Acorda, gayundin si Gen. Gaces upang linisin ang kanilang pangalan.

209

Related posts

Leave a Comment