NAASAHANG makatutulong ang Northeast Monsoon o Amihan para madagdagan ang antas ng tubig sa Angat dam, ayon sa Pagasa.
Ito ay matapos magpahayag ang Maynilad ng rotating water interruptions dahil umano sa mababang antas ng tubig sa dam.
“Pagpasok ng Amihan, ideally magpapaulan siya sa east side of Luzon. Kung mas malakas, maging sa east side ng Visayas magkakaroon ng pag-ulan,” ayon kay PAGASA weather specialist Aldczar Aurelio.
Dahil dito, inaasahan ang mga pag-ulan sa dam.
Hindi pa opisyal na nagsisimula ang Amihan ngunit ito ay kadalasan sa kalagitnaan ng Oktubre.
Makatutulong din ang Amihan sa mga pag-ulan sa bagyo na nasa Philippine Area of Responsibility (PAR).
“Itutulak nito pa-timog ang movement ng bagyo,” sabi ni Aurelio.
Umaasa naman si National Water Resources Board Executive Director Sevillo David Jr. na makalilikha ng ulan ang Amihan na makatutulong upang madagdagan ng tubig ang Angat dam.
229