(NI ABBY MENDOZA)
ISA nang bagyo at tinawag na bagyong ‘Jenny’ ang Low Pressure Area (LPA) na namataan sa Virac, Catanduanes.
Inaasahang palalakasin ito ng habagat at kung hindi magbabago ng direksyon ay magla-landfall ito sa Northern o Central Luzon.
Sa severe weather bulletin na ipinalabas ng Philippine Atmospheric Geophysical Astronomical Services Administration(Pagasa) ng alas 5:00 ng hapon, sinabi nito na buong maghapon ng Agosto 27 ay asahan ang mahina hanggang katamtaman na pag-uulan sa Caraga, Eastern Visayas at Bicol Region.
Sa araw ng Miyerkoles, Agosto 28 ay mas malalakas na pag-uulan ang hatid ng bagyong Jenny at mararanasan ito sa Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya, Quirino, northern Aurora, Kalinga, Abra, Mountain Province, Ifugao, Benguet, Ilocos Sur at La Union.
Asahan din ang katamtaman hanggang malalakas na pag-uulan sa Metro Manila, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region, Western Visayas, Central Visayas, Zamboanga Peninsula Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley at Central Luzon.
Pinapayuhan ng Pagasa ang mga residente sa nabanggit na mga lugar na daraanan ng bagyo na maging alerto at maging handa sa posibleng pagbaha at landslide.
Sa mga susunod na oras ay nakatakda maglabas ang Pagasa ng thunderstorm advisories at heavy rainfall warnings.
Sa weather forecast ng Pagasa ang bagyong Jenny ay kumikilos sa bilis na 25kph, huli itong namataan 670km East ng Virac CAtanduanes taglay ang lakas ng hangin na 45kph at bugso na 55kph.
171