(NI ABBY MENDOZA)
MAIHAHALINTULAD sa nanalasang bagyong Reming at Glenda ang padating na bagyong Tisoy kaya ngayon pa lamang ay inaatasan na ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) ang mga Local Disaster Risk Reduction and Management Office na maging handa.
Ayon sa Pagasa, parehas ang direksyon na tinatahak ng bagyo na may international name na Kammuri sa direksyong tinahak ng bagyong Glenda noong November 28, 2006 at bagyong Reming noong July 2014.
Sa bagyong Reming ay 106 ang nasawi, 1250 ang sugatan, 5 ang missing at P38.6 Bilyon ang pinsala.
Sa talaan ng Pagasa si bagyong Glenda ay nag iwan ng 734 patay, 2,360 ang sugatan, 762 ang mawawala at P5.4 Bilyon ang naging pinsala.
Sa monitoring ng Pagasa ay mas lumakas pa ang typhoon ‘Kammuri’.
Namataan ito sa layong 1,470 km sa Southern Luzon ,sa labas pa rin ng Philippine Area of Responsibility, taglay ang lakas ng hangin na 140 kph at bugso na 170 kph.
Sa araw ng Sabado o Linggo ng umaga ito inaasahang papasok ng PAR at maglalandfall sa Catanduanes.
Nilinaw naman ni Pagasa Weather Division Chief Dr. Esperanza Cayanan na sa ngayon ay nanatiling maliit ang tiyansa na maging super typhoon ng paparating na bagyo.
Paliwanag ni Cayanan na iba ang pamantayan na ginagamit ng Joint Typhoon Warning Center ng America sa ginagamit na batayan ng Pagasa.
Ang bagyong Tisoy ay maaaring magdala ng malalakas na pag-ulan at thunderstorms sa Bicol Region at Samar provinces simula sa Lunes.
Habang sa Central Luzon, Bicol Region, Southern Luzon at Metro Manila ay maaaring makararanas ng malalakas na hangin at pag-ulan sa Martes at Miyerkules.
Samantala umapela ang PAGASA sa publiko na iwasan ang pagpapakalat ng maling impormasyon sa social media ukol sa bagyo. Tanging ang mga impormasyon na galing sa Pagasa ang siya lamang paniwalaan para maiwasan ang kalituhan.
349