CAVITE RESIDENTS NAGPAPASAKLOLO LABAN SA PRIME WATER

0

NANAWAGAN sa pamunuan ng Senado at mababang kapulungan ng Kongreso ang mga residente  sa General Trias at Dasmariñas City sa lalawigan ng Cavite laban sa kawalan umano ng  konsiderasyon ng Prime Water ngayong panahon ng pandemya.

Nabatid na nais magpasaklolo ng Homeowners Association Alliance mula sa dalawang nabanggit na  bayan kina Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III at House Speaker Alan Peter Cayetano upang  mabigyang pansin ang kanilang hinaing laban sa naturang water company.

Reklamo ng mga residente, walang konsiderasyon ang Prime Water Corporation sa mga consumer  dahil bukod sa hindi nila maipaliwanag na biglang pagtaas ng water bill ay tuloy pa rin ang pag-lock  sa metro ng mga hindi nakapagbayad.

Hindi lang umano mga taga-Tierra Nevada Subd. sa Gen. Trias, Cavite ang hindi umubra ang  pakiusap sa mga tauhan ng Prime Water na ipagpaliban ang pamumutol ng tubig kundi maging sa  ilan pang mga katabing lugar gaya sa siyudad ng Dasmariñas.

Kahit isangkalan ang kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na magbigay ng konsiderasyon sa mga  water consumer ay balewala umano sa mga tauhan ng nasabing water company.

Malinaw ang mensahe ng administrasyong Duterte na sa panahon ng COVID-19 pandemic ay  kinakailangan ng mamamayan ang konting konsiderasyon partikular sa mga bayarin sa tubig at  kuryente tulad ng ginawa ng Meralco.

Nakapanayam ng Saksi Ngayon ang mga mamumutol ng tubig mula sa Prime Water at isa sa mga  ito ay nagpakilala sa pangalang James at ang utos umano sa kanila ay walang palalampasin sa mga  hindi makapagbabayad kaya agad nilang ipa-padlock ang kuntador.

Ang Prime Water Collection Supervisor naman umano mula sa Las Piñas branch na tanging first  name na Charmie ang ibinigay ay mahigpit din ang tagubilin sa mga tauhan na “saka na sila  gumamit ng tubig kapag nagbayad na”.

Inirereklamo ng mga consumer ang hindi maipaliwanag na pagtaas ng bill at kung bakit nagkaroon  ng water billing samantalang wala namang nag-reading sa mga metro ng tubig sapul noong Mayo  dahil sa pag-iral ng enhanced community quarantine sa malaking bahagi ng Luzon at iba pang lugat  sa bansa. (CESAR BARQUILLA)

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment