E-AUDIT PLANO NG COA SA PAGLABAN SA MGA ANOMALYA

NAIS ng Commission on Audit (COA) na gawin nang digital ang proseso ng pag-audit nito sa susunod na pitong taon.

Ito ang sentro ng mga natalakay sa ginanap na planning conference ng COA kamakailan na pinangunahan ni Chairperson Gamaliel Cordoba at nilahukan ng nasa 140 senior COA officials.

Nabatid sa nasabing pagtitipon, ibinahagi ni Cordoba ang kanyang 10-point agenda para maisulong ang pagsasa-digital ng pag-audit ng gobyerno.

Kabilang dito ang pagbuo ng government accounting system na nakasusunod sa international standards, paggamit ng e-audit, at pagpapabuti pa ng audit techniques.

Samantala, nilalayon ni Cordoba na magkaroon na ng automated audit system para sa e-collections, e-payments, at artificial intelligence o AI.

Ang direksiyon na ito ng COA ay base na rin sa layunin ng administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos na makamit ang malawakang digitalization sa bansa.

Kasama rin sa agenda ni Cordoba ang maitugma ang kasalukuyang rules and regulations ng ahensiya sa modernong panahon.

Ia-update din ang audit guidelines para sa e-payments para masakop ang mga kontrata na pinapasok ng iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan sa social media platforms.

Gayundin ang pagpapalawig ng trainings ng auditor at agency personnel na kasali sa financial transactions para madagdagan ang kanilang mga kaalaman ukol sa accounting at auditing rules and regulations. (PAOLO SANTOS)

116

Related posts

Leave a Comment