INGAT KONTRA BUDOL

IMBESTIGAHAN NATIN Ni JOEL. O. AMONGO

HINDI pinupulot ng mga Overseas Filipino Workers (OFW) ang pera sa ibang bansa. Higit pa sa dugo’t pawis ang kapalit ng bawat rial, dinar o dolyares na kinikita nila.

Peligro kontra abusadong amo, pangungulila, at matinding kalungkutan – ilan lang yan sa kanilang dinaranas nila sa hanga­ring maiahon sa kahirapan ang kani-kanilang pamilya rito sa Pilipinas.
Kaya naman higit na kailangang pahalagahan ang kanilang salaping pinaghihirapang kitain sa ibayong dagat.

Ito rin marahil ang basehan ni Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz sa kanyang panawagan sa mga tinaguriang bagong bayani matapos mabudol ng ilang international freight forwarders ang mga OFW na nagpadala ng mga balikbayan box sa kanilang pamilya.

Ani Ruiz, maging maingat at mapanuri sa mga pagkakatiwalaang international freight forwarders para hindi na muling matengga ang kanilang padalang balikbayan boxes na naglalaman ng bahagi ng kanilang pinagpagurang kita.

Dangan naman kasi, pumalpak ang dalawang international consolidators na pawang nakabase sa United Arab Emirates (UAE) — ang Win Balikbayan Cargo LLC (All Win) and Island Kabayan Express Cargo LLC.

Sa imbestigasyon, lumalabas na bagama’t naipadala sa Pilipinas ng mga international consolidator (Win Balikbayan Cargo LLC at Island Kabayan Express Cargo LLC) ang mga balikbayan box, bigo naman ang mga nasabing kompanya na i-remit sa mga local consolidator (CMG International Movers and Cargo Services, FBV Forwarder and Logistics Inc., at Cargoflex Haulers Corporation) ang karampatang salaping para sa taripa, buwis at iba pang si­ngilin ng ahensya.

Ang resulta – natengga sa nakalipas na siyam na buwan ang mga balikbayan box sa mga bodegang pinaglalagakan ng mga balikbayan box. Ang dapat sana’y door-to-door delivery, nauwi sa no delivery.

Dama ko ang nararamdaman ng mga OFW at mga kaanak na pinaasa ng mga lintek na international freight forwarders, lalo pa’t kami mismo ay may kaanak na OFW.
Batid namin ang hirap at sakripisyo nila sa ibang bansa para lang makapagpadala sa kani-kanilang pamilya. Tinitipid nila ang sarili para lamang makapagsubi ng kaunting perang pambili kalaunan ng mga ipapadala sa Pilipinas.

Kung hindi pa nalaman ni Ruiz ang aberya, hindi pa masosolusyunan ang problema. Tugon ng komisyoner – i-release agad ang mga nakatenggang balikbayan boxes, at kung anoman ang hindi nabayarang buwis kakarguhin na ng BOC – isang pasyang suportado at inayunan mismo ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.

Bagama’t natuwa at lubos na nagpapasalamat ang mga pamilya ng mga OFW, hindi maikukubli ang kanilang pagkadismaya sa isang banda. Bakit kamo? Marami sa mga ipinadala para sa kanila, tuluyan nang nasira – mga tsokolate, at iba pang consumables, ika nga.

Payo ni Ruiz sa mga OFW, huwag maniwala agad-agad sa mga buladas ng mga international freight forwarder, kasabay ng mungkahing pagpili base sa rekord ng kumpanya. Iwasan ang kumpanyang puro pera ang puntirya. Dapat may malasakit ang kapwa.

Buti na lang may puso at malasakit si Ruiz at ang mahal na Pangulo.

oOo

Para sa sumbong mag-email operarioj45@gmail.com o magtext sa cel# 0977-751-1840

16

Related posts

Leave a Comment