SINUPALPAL ni Atty. Ferdinand Topacio ang tila desperadong akusasyon at tirada ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla kaugnay sa unti-unting pagkatalo at paglabas ng katotohanan matapos ang pagbawi ng salaysay ng apat sa labing isang suspek sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.
Ayon kay Topacio, hindi umano makatwiran na kuwestyunin ni Remulla ang pagkuha ng private lawyers ng mga suspek dahil ito aniya ay nakasaad sa batas at karapatan ng bawat akuasado na makapamili ng nais nitong tapagtanggol sa kanyang kaso.
Matatandaang naunang isiniwalat ng abogado ni Osmundo Rivero isa sa mga sundalong suspek sa Pamplona massacre na nangyari noong March 4 na ginigipit at tinortyur aniya ng otoridad partikular ng pulisya at nang National Bureau of Investigation (NBI) ang mga suspek upang idawit sa krimen si Congressman Arnolfo “Arnie” Teves Jr.
Dahil dito ay humingi ng saklolo sa Commission on Human Rights (CHR) ang mga suspek dahil rin umano sa pananakot na sasaktan ang kanilang pamilya kung hindi susundin ang umanoy iniutos sa kanila na idiin si Teves bilang mastermind sa krimen na ayon sa mga suspek ay malayo sa katotohanan at hindi rin umano nila nakita o kilala sa personal si Teves.
Iginiit na Topacio na walang katotohanan ang naging akusasyon ng DOJ na binayaran ng kampo ni Teves ang mga suspek upang baliktarin ang kanilang naunang salaysay na pinaniniwalaan aniya na wala rin nagawa ang tumayong abogado ng mga ito sa una na galing sa Public Attorneys Office (PAO).
Dahil dito ay ipinagtanggol ni Topacio ang PAO na isang sandalan at takbuhan ng mga kababayan nating mahihirap na walang kakayanan na kumuha at magbayad ng serbisyo ng isang abogado. Ngunit hindi rin umano maiwasan minsan na mayroong iilang abogado dito ang pilit na nag bubulag bulagan at nagbibingi bingihan lalot kung higante ang kalaban sa pamahalaan.
Ang tila pagka dismaya sa kasong binuo ni Remulla ay isang malaking problema aniya ng ahenysa ayon kay dating Presidential chief legal council Atty. Salvador Panelo ngunit ang hustisya para sa lahat ay kailangang manaig. (RUDY SIM)
