KASABWAT NI GUO SA PAGTAKAS TINUTUKOY NG NBI

KINUMPIRMA kahapon ng National Bureau of Investigation (NBI) na hindi nila tinatantanan ang pagtukoy sa mga kasabwat ng pinatalsik na si Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa pagtakas nito palabas ng Pilipinas.

“Hindi rin po kami naniniwala na walang kasabwat even official or private person na tumulong kay Alice para makalabas,” pahayag ni NBI Director Jaime Santiago sa pagdalo nito sa Pulong Balitaan ng Manila City Hall Reporters Association (Machra) na ginanap sa Harbor View.

Nilinaw rin ni Director Santiago na hindi sila nagsabing may kasabwat si Guo sa BI, bagaman’t lahat ng posibilidad ay kanilang sinisiyasat.

Hindi rin po namin sinasabi na BI, remember nakalabas siya backdoor, yun oh established ‘yun backdoor, hindi dumaan sa immigration point.”

Ayon kay Santiago, inaalam na rin ng NBI kung may mataas pang opisyal bukod kay Guo, ang sangkot sa POGO, dahil nang pumutok umano ang isyu ng POGO ay marami nang tumutulong sa kanya at nagbibigay ng payo.

“Sabi ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na meron mga nagpoprotekta sa kanya, maaaring government official ngayon, siyempre ho, sukob na si Alice kaya sinabi nga ni Alice na may tumatawag sa kanya sa telepono na patatahimikin siya para huwag nang kumanta. Ayun nga ho, ‘yun pong threat sa kanya, hindi po namin ipinapawalang-bahala ‘yun. So, pinoproteksyunan siya nang maigi ng PNP kung saan siya ay naka-custody ngayon,” dagdag pa ni Santiago.

Kaugnay nito, sinabi ni Santiago na nahihirapan silang makakuha ng impormasyon kay Guo kung paano ito nakalabas ng bansa dahil palaging may nakabantay ditong abogado.

Nabatid pa kay Santiago, base sa pahayag ni Guo, sila ay sumakay sa maliit na barko tapos ay sa malaking barko at ang impormasyon lamang na ibibigay niya ay may nakita siyang pakpak sa maliit na barko na sinakyan nila paalis sa Maynila.

Ayon kay Santiago, hindi nagsasabi ng totoo si Alice sa kanyang testimonya sa Senado, kung pagtutugmain ang tatak na nakita sa kanyang pasaporte.

Nalaman na sa tatak sa kanyang pasaporte, una itong dumating sa Kuala Lumpur noong Hulyo 18 at pumasok sa Sabah noong Hulyo 19.

Samantala, patuloy na hinahanap ng NBI ang kapatid ni Alice na si Wesley sa kabila na nagpadala na ito ng feeler na gusto na rin umano nitong sumuko.

Wala umanong komunikasyon si Wesley kay Alice dahil kumpiskado ang cellphone nito ng PNP. (JESSE KABEL RUIZ)

195

Related posts

Leave a Comment