LASING DUMAYB SA ILOG PASIG, ‘DI NA LUMUTANG

MAKARAAN ang mahigit dalawang oras, natagpuang patay ang isang 33-anyos na binata matapos dumayb sa Ilog Pasig mula sa Binondo Bridge sa Intramuros, Manila noong Huwebes ng gabi.

Kinilala ang biktimang si Jonathan Pana, construction worker, at residente ng Barangay San Isidro, Angono, Rizal.

Base sa ulat na isinumite ni Det. Charles Benzon Dela Torre, kay Police Captain Dennis Turla, hepe ng Manila Police District – Homicide Section, bandang alas-7:30 ng gabi nang dumayb ang biktima sa ilog.

Nauna rito, nagkayayaang mag-inuman ang biktima at kapwa nito mga construction worker at isang pinsan nito.

Nang malasing, naisipan umanong maligo ng biktima sa ilog kaya dumayb ito ngunit hindi na lumutang.

Ipinagbigay-alam ng mga kapwa construction worker ang insidente sa tanggapan ng Intramuros Police Community Precinct na sakop ng Ermita Police Station 5, na agad namang ini-report sa tanggapan ng Philippine Coast Guard.

Agad nagsagawa ng search and rescue operation ngunit natagpuang wala nang buhay ang biktima dakong alas-9:45 ng gabi.

Isasailalim sa masusing imbestigasyon ang insidente upang mabatid kung may naganap na foul play.

(RENE CRISOSTOMO)

86

Related posts

Leave a Comment