MARKSMANSHIP, GUN PROFICIENCY TRAINING KAILANGAN NG PNP

KAILANGAN ng lahat ng mga kasapi ng Philippine National Police na magkaroon ng sapat na marksmanship at gun proficiency training sa paggamit ng kanilang baril upang maiwasan ang mga aksidente sa pag-discharge ng kanilang sandata, ayon kay Interior Secretary Benhur Abalos.

Ito ay bunsod ng posibilidad ng pagkakaroon ng “friendly fire” sa mga police operation gaya sa isinasagawa ngayong imbestigasyon sa operasyon ng PNP Anti-Kidnapping Group sa Angeles, Pampanga kung saan may isang pulis ang namatay sa pagliligtas sa dalawang babaeng Chinese na dinukot umano ng mga kapwa nito Chinese.

Nabatid na sinisiyasat ng PNP kung may nangyaring “friendly fire” sa ginawang rescue operation sa Pampanga noong Agosto 3, kung saan isang pulis ang napatay at isa pa ang sugatan.

Nitong nakalipas na linggo, nakiramay ang Chinese Embassy sa pamilya ng namatay na si Police Staff Sergeant Nelson Santiago, 35, at sa kasama nitong nasugatan sa ikinasang rescue operation ng mga tauhan ng PNP Anti-Kidnapping Group sa dalawang dinukot na Chinese sa Ayala Avenue sa Quezon City kamakailan.

Kasabay ng pakikiramay ay naghandog ng tulong ang Embahada ng China sa biyuda at mga anak ni Police Staff Sergeant Nelson Santiago, na napatay sa kasagsagan ng pagliligtas sa dalawang kidnap victims.

Mismong si Counsellor and Police Attaché Mr. Zhao Lei al ang nagtungo sa burol ng pulis at nag-abot ng tulong pinansiyal sa biyuda ni Sgt. Santiago na si Mary Rose.

Una na ring nagkaloob ng tulong ang Chinese Embassy Manila sa sugatang pulis na si Police Chief Master Sergeant Eden Accede, na naka-confine sa isang pagamutan.

Sina Sgt. Santiago at PCMS Accad ay kabilang sa Task Group ng PNP Anti-Kidnapping Group na nagsagawa ng rescue operation sa dalawang Chinese na dinukot sa Quezon City at dinala ng mga abductor sa Guzman Street, Sitio Feliza sa Angeles City, Pampanga.

Upang mapalaya ang dinukot, humiling ang mga kidnaper ng ¥500,000 o katumbas na P8,000,000 ransom sa pamilya ng mga biktima

Ang insidente ay idinulog ng Chinese Embassy sa Philippine National Police kaya ikinasa ang rescue operation kung saan napatay sa operasyon si Santiago.

Samantala, nakakulong na ang dalawang suspek na kidnapper na kapwa mga Chinese din, na kinilalang sina Hu Kai at Ryu Don.

Ayon kay PNP PIO Acting Chief at Spokesperson Col. Jean Fajardo, parte ng imbestigasyon nila na alamin kung nagpaputok ang mga suspek kaya napatay ang isang pulis.

Sinabi ni Fajardo, tiniyak ni PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil na pananagutin ang sino mang mapatutunayang nakapatay sa nasabing pulis.

Noong 2018, anim na pulis ang napatay sa Samar sa isang “misencounter” sa pagitan ng Philippine Army at ng pulisya. (JESSE KABEL RUIZ)

133

Related posts

Leave a Comment