QUEZON – Tatlong residente ng bayan ng Mulanay sa lalawigang ito, ang maghaharap ng reklamo laban sa kanilang alkalde na si Mayor Aries Aguirre, anak ni dating DOJ Secretary Vitaliano Aguirre, matapos na ang mga ito umano ay i-harass, takutin at pagbantaan nito kasama ang ilang pulis at kanyang mga bodyguard, sa tatlong magkakasunod na insidente sa naturang bayan noong araw ng Linggo.
Kabilang sa mga maghaharap ng reklamong harassment at grave threat ang incumbent barangay captain at ABC president ng Mulanay na si Arnold Decena, na kandidato muli sa pagka-kapitan ng Barangay San Isidro.
Ganoon din ang campaign leader nito na isang nagngangalang Julito, at ikatlo ang dating konsehal ng Mulanay na si Rodrigo De La Cruz.
Batay sa reklamo ng tatlo, unang pinaligiran ng mga armadong lalaki na hinihinalang mga bodyguard ng alkalde, ang bahay ni Decena habang may nagaganap na okasyon sa bahay nito, at ang kanyang mga tagasuporta dakong ala-1:42 ng madaling araw.
Dakong alas-10:00 naman ng umaga nang sugurin umano ni Aguirre ang bahay ng lider ni Decena na si Julito.
Sumunod umanong insidente ay nangyari dakong alas-2:55 ng hapon sa port ng Mulanay, nang habulin naman ng grupo ng alkalde ang dating konsehal na si De La Cruz habang ito ay namimigay ng kopya ng isang lokal na dyaryo na may artikulo tungkol sa ilang mga natapos nang proyekto ng dating administrasyon sa Mulanay na hindi pa rin ginagamit ni Aguirre.
Ayon kay De La Cruz, pinagmumura siya ni Aguirre at pilit na pinababa sa kanyang sasakyan habang nakapaligid ang mga nakasibilyang pulis at mga bodyguard nito na pawang armado ng baril.
Isa umano itong paglabag sa umiiral na gun ban at isang election offense.
Sa panayam naman kay Aguirre, hindi nito itinanggi ang mga pangyayari, subalit sinabi nito na ginawa lamang niya ang kanyang dapat gawin bilang punong bayan ng Mulanay.
Ayon kay Aguirre, may nakapagsumbong sa kanya na may nakitang mga kahina-hinalang sasakyan na pagala-gala sa lugar, at nang kanilang sundan ay pumasok sa compound ni Decena.
Sa kaso naman ni De La Cruz, ginawa lamang niya aniya ang nilalaman ng Section 80 ng Omnibus Election Code kung saan sinasabing bawal na ang pangangampanya kung tapos na ang oras at araw na itinakda ng COMELEC para sa kampanyahan noong araw ng Linggo. Hinahadlangan lamang aniya niya ang maling ginagawa ng tatlong nagrereklamo.
Ayon pa dito, nakita niya na may paglabag ang mga ito sa batas.
Itinanggi rin nito na pinagbantaan niya ang dating konsehal at sinasabihan lamang daw niya ito na itigil na ang ginagawa.
Ipaghaharap din ni Aguirre ang tatlo ng kasong paglabag sa Omnibus Election Code.
(NILOU DEL CARMEN)
341