PAF aircraft grounded MILITARY CHOPPER BUMAGSAK, 7 PATAY

GROUNDED sa kasalukuyan ang lahat ng nalalabing UH-1H helicopters ng Philippine Air Force kasunod ng nangyaring pagbagsak ng isa nitong military chopper na ikinamatay ng pitong sundalo sa lalawigan ng Bukidnon.

Ayon kay Philippine Air Force spokesperson, Lt. Col. Aristides Galang, bahagi lamang ito ng kanilang standard operating procedure kapag nasasangkot sa aksidente ang isang uri ng kanilang air assets.

Ngunit nilinaw naman ng opisyal na “well-maintained” ang bumagsak nilang chopper noong Sabado ng hapon sa bahagi ng Barangay Bulonay, Impasug-ong, Bukidnon na ikinamatay ng pitong sundalo mula sa PAF at Philippine Army.

Kabilang sa mga biktima ang piloto na si Lt. Col. Arnie Arroyo, co-pilot na si 2Lt. Mark Anthony Caabay, crew na sina Airman 1st Class Stephen Aggarado at Sgt. Mervin Bersabe.

Kabilang din sa namatay si Army Sgt. Julius Salvado at dalawang miyembro ng CAFGU na pasahero ng bumagsak na helicopter.

Ayon sa inisyal na ulat, sinasabing lumilipad ang nasabing chopper, kasama ng isa pang helicopter, para sa isinasagawang resupply mission sa 8th Infantry Battalion ng Philippine Army, nang mangyari ang insidente sa Barangay Bulonay, sakop ng bayan ng Impasug-ong.

Ayon kay Major Rofdulfo Cordero Jr., tagapagsalita ng 4th Infantry Division, posibleng engine trouble ang isa sa maaaring naging dahilan ng pagbagsak ng helicopter.

Sinubukan pa aniya ng piloto na mag-crash-land ngunit hindi ito naging matagumpay.

Kaagad namang na-recover ang katawan ng namatay na mga sundalo.

Kaugnay nito, inihayag ni Galang na patuloy ang imbestigasyon upang mabatid kung ano ang dahilan ng pagbagsak ng chopper.

Sinabi pa ng opisyal, mahigpit ang sinusunod nilang maintenance procedures para sa kanilang aircrafts bukod sa isinasagawang inspeksyon bago at pagkatapos na lumipad ang mga ito.

Tiniyak ng pamunuan ng PAF na “well-maintened” ang bumagsak na UH-1H helicopter. Sa kabila na may kalumaan na ang nasabing aircraft, ang parts at components nito ay brand new.

Nagpadala na ng investigating team ang Philippine Air Force (PAF) para imbestigahan ang nasabing insidente.

“The men and women of the Philippine Air Force (PAF) led by the Commanding General, Lt. Gen. Allen Paredes, deeply grieves and extends the Command’s sympathies to the families of the brave heroes who have offered their lives in the line of duty,” pahayag ng PAF.

Siniguro naman ng PAF ang lahat ng kaukulang tulong para sa mga kaanak ng mga namatay na crew. (JESSE KABEL)

196

Related posts

Leave a Comment