PAGBAHA SA NLEX PINABUBUSISI SA SENADO

HINILING ni Senador Grace Poe sa kaukulang komite sa Senado na imbestigahan ang matinding pagbaha sa North Luzon Expressway (NLEX) sa bahagi ng San Simon, Pampanga.
Sa kanyang Senate Resolution 725, nais ni Poe na mabusisi ang pagbaha sa NLEX matapos ang bagyong Egay at habagat.

Target ng pagsisiyasat na bumalangkas ng mga hakbangin upang hindi na maulit ang kaparehong insidente at alamin kung may pagsisikap na isinagawa para sa operation at maintenance ng Expressway upang sana’y naiwasan ang pagbaha at abala sa mga motorista.

Tinukoy sa resolusyon ang parehong northbound at southbound ng NLEX sa may San Simon sa Pampanga partikular sa Tulaoc bridge na nalubog sa 50 sentimetrong baha at umabot ang haba ng traffic hanggang anim na kilometro.

Nauna nang sinabi ng Metro Pacific Tollway Corp. na ang baha ay dulot ng pag-apaw ng Pampanga river.

(DANG SAMSON-GARCIA)

179

Related posts

Leave a Comment