PAGBISITA NI PBBM SA CAMP CRAME, ‘DI PARA SA LOYALTY CHECK SA PNP

NILINAW ni Philippine National Police chief, Gen. Benjamin Acorda Jr., na hindi maituturing na loyalty check ang pagbisita ng kanilang Commander-In-Chief sa PNP National Headquarters noong Huwebes.

Ayon kay General Acorda, bumisita lamang si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., para pangunahan ang kanilang regular Command Conference.

Wala rin umanong dahilan para magsagawa ng loyalty checks sa hanay ng pulisya dahil nananatili itong isang professional organization na tapat sa kanilang sinumpaang tungkulin.

Kaugnay nito, ikinagalak naman ng Commander-in-Chief ang iba’t ibang accomplishments ng pulisya.

Subalit napuna ng Pangulo ang mga pangangailangang adjustment sa Pambansang Pulisya partikular sa pagpapalakas ng kanilang cyber capability at pagkakaroon ng sapat na communication equipment.

Sa datos ng PNP, malayo pa sa kalahati ang nakuhang communication equipment requirement ng pulisya na mayroon pa lamang na 32.05% fill-up para sa digital radio, habang nasa 33.98% pa lamang sila para sa tactical radio, at 2.48% para sa satellite phones na magagamit sa lugar na walang established communication network lalo na sa panahon ng kalamidad.

Ayon kay Acorda, hindi nakaligtas sa pansin ng Pangulo ang mga kagamitan ng PNP na masyadong mababa ang uri, partikular ang mga kagamitang pangkomunikasyon.

Nabatid na hanggang nitong Pebrero ay hindi pa nangangalahati ang PNP sa kailangang mga kagamitan sa komunikasyon at hindi pa kumpleto ang pagbili sa 18 units ng repeaters, satellite phones at iba pa sa ilalim ng PNP Capability Enhancement Program.

Iniutos ng Pangulo sa PNP na pag-aralan ang paggamit ng iba pang-communication equipment na angkop sa lokal na sitwasyon at ang ginagamit ng police forces sa ibang bansa na maaaring i-adapt ng Pilipinas.

Samantala, tututukan din ng PNP ang pagpapalakas ng kanilang kampanya kontra cybercrimes.

Sinabi pa ng heneral na malaking hamon ang pagbabantay sa mga krimen sa cyber space o sa internet kaya kinakailangan nilang palakasin ang cyber capability at sabayan ng mga makabagong communication equipment.

Kabilang sa direktiba ni PBBM sa PNP ang palakasin ang kampanya laban sa cybercrimes sa gitna ng magkakasunod na cyber-attacks at sunod-sunod na email bomb threats sa mga tanggapan ng gobyerno.

Ayon sa datos ng PNP, lumobo ang cybercrimes sa bansa na umabot sa 21,300 noong nakalipas na taon kumpara sa 13,890 na naitala noong 2022.

(JESSE KABEL RUIZ)

104

Related posts

Leave a Comment