PBBM, VP Sara dapat magtuwang sa pagsagip sa OFWs na naipit sa gulo at pag-abuso sa ibang bansa

Dapat isantabi nina Pangulong Bongbong Marcos at Vice President Sara Duterte ang anumang di nila pagkakaintidihan at sa halip ay magsanib-puwersa sila at magtuwang sa pagsagip sa mga overseas Filipino workers na naipit sa gulo o kaya naman ay biktima ng pag-abuso, pangmamaltrato at sakuna sa ibang bansa.

Ito ang panawagan ng AKO-OFW, isang malaking grupo ng mga Pilipinong nagtratrabaho sa ibayong-dagat, kabilang ang mga advocacy group at mga institusyon na sumusuporta sa kanila.

Ayon sa AKO-OFW, masyado nang nakababahala ang kalagayan ng mga “stranded, distressed and displaced OFWs” o yaong mga naipit, namumroblema at mga nawalan ng trabaho dahil sa iba-ibang isyu sa bansang kanilang pinagtratrabahuan.

Nagpalabas ng kalatas ang Embahada ng Pilias sa Beirut sa kanilang panawagan sa mga Pilipinong nasa Lebanon na lisanin ang nasabing bansa habang nananatiling bukas pa ang airport kaugnay ng uminit na tensyon.

Kamakailan mahigit 30,000 OFWs ang inisyal na napaulat na apektado sa awayang Israel-Hezbollah, 700 naman ang stranded sa Bangladesh dahil sa malawakang protesta roon, at maraming iba pa ang naipit at na-“trapped” sa gyera at kaguluhan sa kanilang host country.

Niyanig ng 7.1 magnitude na lindol ang Japan at ito’y naganap sa Miyazaki Perfecture pati ang bansang Taiwan na nakaranas ng 6.1 magnitude na earthquake kahapon.

Samantala ay nakaaalarma ang paglala ng nangyayaring pag-abusong sekswal, pisikal at sikolohikal sa maraming OFWs sa iba-ibang bansa kabilang ang Kuwait kung saan, base sa datos ng Department of Migrant Workers (DMW), ay mayroong nasa 268,000 OFWs, at 88 porsyento o humigit-kumulang na 195,000 sa mga ito ay household services workers o kasambahay ng dayuhang amo.

Ayon sa datos ng gobyerno at mga migrant labor institution, mayroong 11-12 milyong OFWs na naka-deploy sa 200 bansa at teritoryo, at napakalaki ng kanilang kontribusyon sa ekonomiya ng Pilipinas dahil sa kanilang remittance. Sabi ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), noong nagdaang 2023 ay umabot sa USD33.5 bilyon ang ipinasok ng OFWs sa Pilipinas sa porma ng remittance sa kanilang pamilya.

“Deserved ng OFWs na mabigyan ng sapat na atensyon, suporta at tulong ng ating mga government officials, lalo sa panahon ng matinding kagipitan na dulot ng giyera at civil unrest, kalamidad, at pag-abuso at pagmamaltrato. Sa ganitong mga pagkakataon, ang ating pangulo at bise-presidente ay dapat manguna sa pagpapakilos sa buong pamahalaan upang tiyakin ang kaligtasan at kagalingan ng OFWs,” ani Dr. Chie Umandap, Chairman ng AkoOFW.

Ang apela ng grupo ay kasunod ng mga kritisismo ni VP Duterte sa administrasyong Marcos, habang ang administrasyon naman ay tila hindi pinapansin ang mga reklamo ni VP Sara.

Giit ni Dr. Umandap, “Bilang chairman ng aming grupo, naniniwala ako sa sinseridad ni PBBM sa pag-asiste sa OFWs, gayundin naman sa concern ni VP Sara sa sektor na ito. Pero, ang kanilang di-pagkakasundo ay nakaaapekto na sa dapat na serbisyo ng pamahalaan sa OFWs at pamilya ng mga ito. Dahil dito ay inuulit ko ang apela ng AkoOFW kay PBBM at VP Sara: Magkaisa sana kayo at magtuwang sa pagsagip sa mga namumroblemang OFWs. Kelangan kayo ng OFWs na nagbigay ng mandato sa inyo para maging pinuno ng bansang Pilipinas”

98

Related posts

Leave a Comment